Add parallel Print Page Options

Panalangin para Tulungan ng Dios

60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
    Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
    ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
    Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
    ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Pakinggan nʼyo kami,
    upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
    “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
    para ipamigay sa aking mga mamamayan.
Sa akin ang Gilead at Manase,
    ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
    at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
    Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
Sinong magdadala sa akin sa Edom
    at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
    Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
    dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
    kami ay magtatagumpay
    dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[e]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios

62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
    Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
    Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
    Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
    Siya ang matibay kong batong kanlungan.
    Siya ang nag-iingat sa akin.
Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
    Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
    dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
    Pareho lang silang walang kabuluhan.
    Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
    Dumami man ang inyong kayamanan,
    huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
    Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Footnotes

  1. 60:7 tanggulan: sa literal, helmet.
  2. 60:7 tagapamahala: sa literal, setro ng hari.
  3. 60:8 utusan: sa literal, planggana na panghugas ng mukha, kamay, at paa.
  4. 60:8 sa akin din: o, aking alipin. Sa literal, tapunan ko ng aking sandalyas.
  5. 61:2 sa lugar na ligtas sa panganib: sa literal, sa bato na mas mataas kaysa sa akin.