Add parallel Print Page Options

Ang Dios ang Sumasaklolo

54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
    Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
    O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.

Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
    Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
    at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.

Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan

55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
    naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
    Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
Nanginginig na ako sa sobrang takot.
At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
    para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”

Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
    Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
    Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
    Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
    Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
    Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
    at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
    kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
    at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
    Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
    at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
    ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
    at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
    Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
    sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
    Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[b]

56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
    Palagi nila akong pinahihirapan.
Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
    Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
    O Kataas-taasang Dios.[c]
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
    Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
    Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
    binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
    Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
    Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
    Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
    at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
    Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
    sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Footnotes

  1. 55:10 itong nangyayari: sa literal, naglilibot sila sa mga pader ng lungsod.
  2. Salmo 56 Ang Pamagat sa Hebreo: Ang maskil na isinulat ni David para sa direktor ng mga mang-aawit. Isinulat niya ito pagkatapos siyang mahuli ng mga Filisteo sa Gat. Inaawit sa tono ng “Ang Kalapati sa Terebinto na nasa Malayong Lugar”.
  3. 56:2 O Kataas-taasang Dios: o, dahil sa kanilang pagmamataas.