Add parallel Print Page Options

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 14)

53 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Dios.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
    samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
    Mailalagay sila sa kahihiyan,
    dahil itinakwil sila ng Panginoon.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

53 Ang mangmang ay nagsabi sa puso niya, Walang Dios. Nangapahamak sila, at nagsigawa ng kasuklamsuklam na kasamaan; walang gumawa ng mabuti.

Tinunghan ng Dios ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tignan kung may sinomang nakakaunawa, na humanap sa Dios.

Bawa't isa sa kanila ay tumalikod: sila'y magkakasamang naging mahahalay; walang gumawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga manggagawa ng kasamaan? na siyang kumakain ng aking bayan na tila kumakain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Dios.

Doo'y nangapasa malaking katakutan sila na hindi kinaroroonan ng takot: sapagka't pinangalat ng Dios ang mga buto niya na humahantong laban sa iyo; iyong inilagay sila sa kahihiyan, sapagka't itinakuwil sila ng Dios.

Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay lumabas sa Sion. Pagka ibabalik ng Dios ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob at matutuwa ang Israel.