Salmo 49-50
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2 Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3 dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4 Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5 Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6 Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7 Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8 Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9 upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
Ang Tunay na Pagsamba
50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3 Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4 Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5 Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
6 Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[b] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®