Add parallel Print Page Options

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
Purihin nʼyo ang Panginoon,
    ngayon at magpakailanman.
Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.

Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
    na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
    mula sa kanyang mga mamamayan.
Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto

114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
    na kung saan iba ang wika ng mga tao.
Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
    at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
Nayanig ang mga bundok at burol,
    na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
    at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
    na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.

Iisa ang Tunay na Dios

115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
    kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”

Ang aming Dios ay nasa langit,
    at ginagawa niya ang kanyang nais.
Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
    may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
    magtiwala kayo sa Panginoon.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
    magtiwala kayo sa kanya.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
    pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!