Add parallel Print Page Options

Panalangin para Ilayo sa Kasamaan

141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
    Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
    ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
    Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
    dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
    Itoʼy parang langis sa aking ulo.
    Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
    maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”

Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
    Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
    huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.

Footnotes

  1. 141:2 handog panggabi: Ginagawa ito kapag lumubog na ang araw.