Add parallel Print Page Options

Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan

116 Mahal ko ang Panginoon,
    dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
Dahil pinakikinggan niya ako,
    patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
    Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
    Nag-aalala ako at naguguluhan,
kaya tumawag ako sa Panginoon,
    Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”

Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
    Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.

Magpapakatatag ako,
    dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]

16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
    Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
    at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.

    Purihin ang Panginoon!

Footnotes

  1. 116:15 Nasasaktan … mamamayan: o, Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kanyang tapat na mga mamamayan.
  2. 116:16 ako nga … lingkod: o, ako nga ay inyong lingkod tulad ng aking ina na inyo ring lingkod.