Salmo 106
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2 Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.
4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
7 Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
upang kayo ay maparangalan
at maipakita ang inyong kapangyarihan.
9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.
16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.
19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
at sinamba nila ang dios-diosang ito.
Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.
28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.
34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.
47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing,
“Amen!”
Purihin ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®