Salmo 104
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Footnotes
- 104:18 badyer: sa Ingles, badger.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®