Salmo 102
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis
102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
2 Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
3 Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
4 Akoʼy parang damong nalalanta na.
Wala na akong ganang kumain
5 dahil sa labis na pagdaing.
Parang butoʼt balat na lang ako.
6 Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
at kuwago sa mga lugar na walang tao.
7 Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
8 Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
9 Hindi ako kumakain;
umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
at nalalantang gaya ng damo.
12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
kahit itoʼy gumuho na at nawasak.
15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.
18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
“O aking Dios na buhay magpakailanman,
huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
Maluluma itong lahat tulad ng damit.
At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®