Ruth 3:1-4:17
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Naging Mabuti kay Ruth si Boaz
3 Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. 2 Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. 3 Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. 4 Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”
5 Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”
6 Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.
7 Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito. 8 Nang maghahating-gabi'y nagising si Boaz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya. 9 “Sino ka?” tanong niya.
“Si Ruth po, ang inyong lingkod,” sagot ng babae. “Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan.”
10 Sumagot naman si Boaz, “Pagpalain ka ni Yahweh. Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka naghanap ng isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap. 11 Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan na isa kang mabuting babae. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo. 12 Totoo(A) ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang mas malapit na kamag-anak kaysa akin. 13 Dito ka muna hanggang madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinapangako ko kay Yahweh, ang buháy na Diyos, na gagampanan ko ang tungkuling ito. Matulog ka na muna ngayon.”
14 Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga. Ngunit bumangon siya bago sumikat ang araw, sapagkat sinabi ni Boaz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan. 15 Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Boaz, “Iladlad mo ang iyong balabal.” At ito'y nilagyan ni Boaz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Ipinasan niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi. 16 Nang makita siya ng kanyang biyenan ay tinanong siya nito, “Kumusta ang lakad mo, anak?”
At sinabi ni Ruth ang buong pangyayari. 17 “Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,” dugtong pa niya.
18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Boaz hangga't hindi niya naaayos ang lahat.”
Pinakasalan ni Boaz si Ruth
4 Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. 2 Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. 3 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.”
“Bibilhin ko,” sagot ng lalaki.
5 Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth,[a] ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.”
6 Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.”
7 Ganito(B) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. 8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[b] 9 Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(C) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”
11 At(D) sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. 12 Matulad(E) nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.