Add parallel Print Page Options

Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap

Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[a] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[b] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,

at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.

At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.

Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.

Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.

10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.

12 Kaya't(A) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;

13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.

15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.

16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.

17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.

18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.

19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;

21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo

Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?

Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?

O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?

Kaya't(B) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.

Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.

Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;

sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.

Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.

10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.

11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?

17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.

18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.

19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.

20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.

21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?

Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.

Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.

Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.

Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.

Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ano(C) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”

Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,

10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.

11 Sapagkat(D) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(E) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.

22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.

23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.

24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[c] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,

upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;

at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.

Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.

11 Ngunit(F) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[d] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;

13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.

14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.

15 Sapagkat(G) (H) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![e] Ama!”

16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.

20 Sapagkat(I) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa

21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.

23 At(J) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.

26 At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan[f] na may mga daing na hindi maipahayag;

27 ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

28 At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.

29 Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;

30 at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?

33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.

34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.

35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

36 Gaya(K) ng nasusulat,

“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
    kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”

37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.

38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,

39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.

Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.

Sila'y(L) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;

sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.

Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;

ni(M) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”

Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.

Sapagkat(N) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”

10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.

11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,

12 na(O) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

13 Gaya(P) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagkat(Q) sinasabi niya kay Moises,

“Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan,
    at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.”

16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.

17 Sapagkat(R) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”

18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”

20 Ngunit,(S) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”

21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?

22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[g] na inihanda para sa pagkawasak;

23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[h] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,

24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?

25 Gaya(T) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,

“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
    at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(U) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”

27 At(V) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”

29 At(W) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
    tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya;

31 ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon.

32 Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran,

33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo,(X) inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran,
    at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”

10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas.

Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman.

Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos.

Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Sapagkat(Y) sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”

Ngunit(Z) sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)

“O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.

Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.

10 Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.

11 Sapagkat(AA) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”

12 Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.

13 Sapagkat,(AB) “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”

14 Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?

15 At(AC) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

16 Subalit(AD) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”

17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[i]

18 Ngunit(AE) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat

“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
    at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”

19 Ngunit(AF) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,

“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
    sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”

20 At(AG) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,

“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
    ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”

21 Subalit(AH) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Sinasabi(AI) ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.

Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?

“Panginoon,(AJ) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”

Subalit(AK) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”

Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.

Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.

Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,

ayon(AL) sa nasusulat,

“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
    ng mga matang hindi tumitingin,
    at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”

At(AM) sinasabi ni David,

“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
    isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
    mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”

11 Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho.

12 Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila?

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo

14 baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila.

15 Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?

16 Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.

17 Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo,

18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.

19 Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.”

20 Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka.

21 Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan.

22 Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin.

23 At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli.

24 Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo?

Nahahabag ang Diyos sa Lahat

25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.

26 Sa(AN) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,

“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
    ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(AO) ito ang aking tipan sa kanila,
    kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”

28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.

29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.

30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,

31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.

32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.

Papuri sa Diyos

33 O(AP) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!

34 “Sapagkat(AQ) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
    O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(AR) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
    at siya'y mababayaran?”

36 Sapagkat(AS) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[j]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(AT) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(AU) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(AV) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(AW) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(AX) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(AY) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[k] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(AZ) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(BA) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.

12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.

13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.

14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(BB) ang mahina sa pananampalataya[l] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(BC) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(BD) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[m] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid

13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.

15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.

16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.

17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.

19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.

21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.

22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.

23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[n] ay kasalanan.

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.

Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.

Sapagkat(BE) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”

Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.

Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,

upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,

at(BF) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,

“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(BG) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(BH) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(BI) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
    siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
    sa kanya aasa ang mga Hentil.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo

14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.

15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,

16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.

17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.

18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,

19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[o] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,

21 kundi,(BJ) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”

Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito(BK) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.

23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,

24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.

25 Ngunit(BL) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.

26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Ito'y(BM) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.

29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.

30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,

31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;

32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.

33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.

Mga Pagbati

16 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesya na nasa Cencrea,

upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sa inyo, sapagkat siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili.

Batiin(BN) ninyo si Priscila at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,

na ipinain ang kanilang leeg para sa aking buhay, sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi pati ang lahat ng mga iglesya ng mga Hentil.

Batiin din ninyo ang iglesya na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang unang nahikayat kay Cristo sa Asia.

Batiin ninyo si Maria, na lubhang maraming nagawa para sa inyo.

Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamag-anak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo. Sila'y kilala sa mga apostol at sila ay nauna sa akin kay Cristo.

Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.

Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.

10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Aristobulo.

11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Narciso, yaong nasa Panginoon.

12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na manggagawa ng Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na marami ang nagawa para sa Panginoon.

13 Batiin(BO) ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kanyang ina at ina ko rin.

14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.

15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kanyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.

16 Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.

18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[p] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.

19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.

20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

21 Binabati(BP) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak.

22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

23 Binabati(BQ) kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto.

[24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.]

25 At ngayon, sa Diyos[q] na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,[r]

26 subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—

27 sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Footnotes

  1. Roma 5:1 Sa ibang mga kasulatan ay magkaroon tayo ng .
  2. Roma 5:2 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na sa pamamagitan ng pananampalataya .
  3. Roma 8:2 Sa ibang mga kasulatan ay sa akin at ang iba'y sa iyo .
  4. Roma 8:11 Sa ibang mga kasulatan ay Cristo Jesus .
  5. Roma 8:15 Salitang Aramaico na ang kahulugan ay Ama .
  6. Roma 8:26 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong para sa atin .
  7. Roma 9:22 Sa Griyego ay sisidlan ng poot .
  8. Roma 9:23 Sa Griyego ay sisidlan ng awa .
  9. Roma 10:17 Sa ibang mga kasulatan ay ng Diyos .
  10. Roma 12:1 o pagsamba .
  11. Roma 13:2 o awtoridad .
  12. Roma 14:1 o paniniwala .
  13. Roma 14:11 o magpapahayag .
  14. Roma 14:23 o paniniwala .
  15. Roma 15:19 Sa ibang mga kasulatan ay Espiritu Santo .
  16. Roma 16:18 o papuri .
  17. Roma 16:25 Sa Griyego ay kanya .
  18. Roma 16:25 Sa Griyego ay nang panahong walang hanggan .