Roma 6
Ang Salita ng Diyos
Patay sa Kasalanan, Buhay kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana.
2 Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Sa gayunding paraan dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.
5 Ito ay sapagkat yamang tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang pagkabuhay muli. 6 Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ngkasalanan. Dahil diyan hindi na tayo magiging alipin ng kasalanan. 7 Ito ay sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.
8 Kaya nga, yamang tayo ay kasamang namatay ni Cristo, tayo ay sumasampalatayang mabubuhay na kasama niya. 9 Alam nating sa pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay ay hindi na siya mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya. 10 Ito ay sapagkat sa kaniyang kamatayan namatay siya sa kasalanan nang minsan lang. At sa kaniyangpagkabuhay, nabuhay siya sa Diyos.
11 Ituring din nga ninyo ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan ngunit buhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon. 12 Huwag nga ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayanupang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa. 13 Kahit ang mga bahagi ng inyong katawan ay huwag ninyong ipaubayang maging kagamitan ng kalikuan sa kasalanan. Sa halip, ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos tulad ng mga nabuhay mula sa mga patay. Ang bahagi ng inyong katawan ay ipaubaya sa Diyos bilang mga kagamitan ng katuwiran. 14 Ang kasalanan ay hindi dapat maghari sa inyo dahil hindi kayo nasa ilalim ng kautusan. Kayo ay nasa ilalim ng biyaya.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano na ngayon? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan dahil hindi tayo nasa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinaubaya ang inyong sarili bilang alipin, kayo ay mga alipin niya na inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungong kamatayan o sa pagsunod patungong katuwiran. 17 Kayo ay mga dating alipin ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos, dahil mula sa puso ay sinunod ninyo ang katuruang ibinigay sa inyo. 18 Sa inyong paglaya mula sa kasalanan kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.
19 Dahil sa kahinaan ng inyong katawan ako ay nagsasalita bilang tao sapagkat ipinaubaya ninyo ang mga bahagi ng inyong mga katawan na mapaalipin sa karumihan at walang pagkakilala sa kautusan patungo sa walang pagkakilala sa kautusan ng Diyos. Sa gayunding paraan ipaubaya ninyo ngayon ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan. 20 Nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Anong bunga nga ang nakuha ninyo sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Ito ay sapagkat ang wakas ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayong nakalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, nagkabunga kayo na patungo sa kabanalan. Ang wakas nito ay walang hanggang buhay. 23 Ito ay sapagkat ang kabayaran nga ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International