Roma 5
Ang Salita ng Diyos
Kapayapaan at Kagalakan
5 Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
2 Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. 3 Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. 5 Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.
6 Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. 7 Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. 8 Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
9 Higit pa riyan, tayo ngayon ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo. Kaya nga, tayo ay maliligtas sa poot sa pamamagitan niya. 10 Ito ay sapagkat nang tayo ay kaaway ng Diyos, ipinagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa riyan, ngayong tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak. 11 Hindi lang gayon, kundi tayo ay nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sa pamamagitan niya, tayo ay nagtamo ng pakikipagkasundo.
Kamatayan sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo
12 Sa kadahilanang ito, sa pamamagitan ng isang tao, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan. Dahil sa kasalanan nagkaroon ng kamatayan at ang kamatayan ay dumating sa lahat ng tao sapagkat nagkasala ang lahat.
13 Ito ay sapagkat ang kasalanan ay nasa sanlibutan na bago pa ibinigay ang kautusan. Ngunit nang wala pa ang kautusan ang kasalanan ay hindi ibinibilang. 14 Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises. Ito ay naghari maging sa kanila na ang kasalanan ay hindi tulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan ng paparating na.
15 Subalit ang kaloob ay hindi tulad ng pagsalangsang sapagkat kung sa pagsalangsang ng isa, marami ang namatay, lalong higit ang biyaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng isang tao, si Jesucristo, ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ay sumagana sa marami. 16 Ang kaloob ay hindi tulad ng isang nagkasala sapagkat sa kasalanan ng isa, ang hatol ay nagdala ng kaparusahan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang walang bayad na kaloob ay nagbunga ng pagpapaging-matuwid. 17 Ito ay sapagkat sa pagsalangsang ng isang tao, naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng taong iyon. At lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran. Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang iyon, si Jesucristo.
18 Kaya nga, sa pagsalangsang ng isang tao, napasalahat ng tao ang kaparusahan. Sa gayunding paraan, sa gawa ng katuwiran ng isang tao, napasalahat ng tao ang pagpapaging-matuwid ng buhay. 19 Ito ay sapagkat sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging mga makasalanan. Sa gayunding paraan, sa pagsunod ng isang tao, marami ang magagawang matuwid.
20 Upang dumami ang pagsalangsang, nagkaroon ng kautusan, ngunit sa pagdami ng kasalanan lalong sumagana ang biyaya. 21 Kaya kung papaano ngang naghahari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo, ang ating Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International