Roma 3
Ang Salita ng Diyos
Ang Katapatan ng Diyos
3 Ano nga ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang kapakinabangan ng pagiging nasa pagtutuli?
2 Marami sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sa kanila ipinagkatiwala ang mga salita ng Diyos.
3 Paano kung may ilang hindi nanampalataya? Mapapawalang-bisa ba ng kanilang hindi pagsampalataya ang katapatan ng Diyos? 4 Huwag nawang mangyari. Sa halip, ang Diyos ay totoo at ang bawat tao ay sinungaling. Ayon sa nasusulat:
Na sa iyong mga pagsasalita ay pinapaging-matuwid ka at sa paghatol sa iyo ay makakapanaig ka.
5 Ngunit kung ang ating kalikuan ay magpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ba ay hindi matuwid na nagdadala ng galit? Nagsasalita ako na tulad ng tao. 6 Huwag nawang mangyari. Papaano ngang hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan? 7 Kung sa aking kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos ay sumagana sa kaniyang kaluwalhatian, bakit pa ako hahatulan bilang makasalanan? 8 At bakit hindi na lang nating sabihin: Gumawa tayo ng masama upang mangyari ang mabuti. Sa katunayan, ibinibintang sa atin ng iba na sinasabi natin ito. Kaya marapat lamang na sila ay hatulan sa pagbibintang na ito.
Walang Isa mang Tao na Matuwid
9 Ano ngayon? Kami ba ay nakakahigit? Hindi! Ito ay sapagkat napatunayan na namin noong una pa man, na kapwa ang mga Judio at mga Griyego ay nasa ilalim ng kasalanan.
10 Ito ay ayon sa nasusulat:
Walang sinumang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang sinumang nakakaunawa, walang sinumang humahanap sa Diyos. 12 Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. 13 Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi nila. 14 Ang mga bibig nila ay puno ng pagsumpa at mapait na mananalita. 15 Ang mga paa nila ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. 16 Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas. 17 Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan. 18 Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila.
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan ay sinasabi sa kanila na nasa ilalim ng kautusan upang patigilin ang bawat bibig at ang buong sanlibutan ay mananagot sa Diyos. 20 Kaya nga, sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan walang taong mapapaging-matuwid sa harapan niya sapagkat ang lubos na pagkaalam sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.
Pagiging Matuwid sa Pamamagitan ng Pananampalataya
21 Subalit ngayon, ang katuwiran ng Diyos ay inihayag nang hiwalay sa kautusan. Ito ay pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta.
22 Ang katuwirang ito ng Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay para sa lahat at sa kanilang lahat na sumampalataya dahil walang pagkakaiba. 23 Ito ay sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ang lahat ay pinapaging-matuwid ng Diyos nangwalang bayad sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusan na na kay Cristo Jesus. 25 Siya ang itinalaga ng Diyos na maging kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kaniyangdugo, upang ipakita ng Diyos ang kaniyang katuwiran ay ipinagpaliban niya ang kahatulan sa mga nakalipas na kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang kahinahunan. 26 Ginawa niya ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran sa kasalukuyang panahon sapagkat siya ay matuwid at tagapagpaging-matuwid sa kanila na sumasampalataya kay Jesus.
27 Saan pa makapagmamalaki? Wala na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Sa pamamagitan ba ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28 Kaya, kinikilala natin na ang tao aypinapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa mga gawa ng kautusan. 29 Hindi ba ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Gentil? Oo, Diyos din siya ng mga Gentil. 30 Ito ay sapagkat iisa ang Diyos na magpapaging-matuwid sa mga nasa pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at sa mga nasa hindi pagtutuli ay sa gayunding pananampalataya. 31 Ginagawa ba nating walang bisa ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari. Sa halip ay pinalalakas natin angkautusan.
Copyright © 1998 by Bibles International