Roma 2
Ang Salita ng Diyos
Ang Matuwid na Hatol ng Diyos
2 Kaya nga, wala kang maidadahilan, ikaw na taong humahatol sa iba sapagkat kapag hinatulan mo ang ibang tao, hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ginagawa mo rin ang gayong mga bagay.
2 Ngunit alam natin na sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan. 3 Iniisip mo bang makakaligtas ka sa hatol ng Diyos, ikaw na taong humahatol sa kanila na gumagawa ng gayong mga bagay at gumagawa rin ng gayon? 4 Minamaliit mo ba ang yaman ng kaniyang kabaitan? Minamaliit mo ba ang kaniyang pagtitiis at pagtitiyaga? Hindi mo ba nalalaman na ang kabutihan ng Diyos ang gumagabay sa iyo sa magsisi.
5 Ngunit ayon sa katigasan ng iyong puso at hindi pagsisisi, ikaw ay nag-iipon ng galit laban sa iyong sarili. Ito ay sa araw ng galit at paghahayag ng matuwid na hatol ng Diyos. 6 Ang Diyos ang nagbibigay ng hatol sa bawat tao ayon sa gawa niya. 7 Sila na patuloy na gumagawa ng mabuti, na may pagtitiis at naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng walang kasiraan ay bibigyan ng walang hanggang buhay. 8 Ngunit sa kanila na makasarili at masuwayin sa katotohanan at sumusunod sa kalikuan ay tatanggap ng poot at galit. 9 Paghihirap at kagipitan ang ibibigay sa bawat kaluluwa ng tao na patuloy na gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 10 Ngunit kaluwalhatian, kapurihan at kapayapaan ang ibibigay sa lahat ng gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at saka sa mga Griyego. 11 Ito ay sapagkat hindi nagtatangi ng tao ang Diyos.
12 Ito ay sapagkat ang lahat ng nagkasala na hindi sa ilalim ng kautusan ay lilipulin na hindi sa ilalim ng kautusan. Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan. 13 Ito ay sapagkat hindi ang mga nakikinig ng kautusan ang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang siyang pinapaging-matuwid. 14 Ito ay sapagkat ang mga Gentil bagaman walang kautusan, ay likas naman nilang ginagawa ang bagay na nakapaloob sa kautusan. Sa paggawa nila nito, nagiging kautusan ito para sa kanilang sarili. 15 Ipinapakita nila na nakasulat sa kanilang mga puso ang gawa ng kautusan. Nagpapatotoo rin ang kanilang budhi at sa bawat isa ang kanilang isipan ang umuusig o kaya ay nagtatanggol sa kanila. 16 Ito ay mangyayari sa araw na ang lihim ng mga tao ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa ebanghelyo na ipinangaral ko.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Narito, ikaw ay tinatawag na Judio, nagtitiwala ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo na ikaw ay sa Diyos.
18 Alam mo ang kalooban niya. Dahil naturuan ka sa kautusan, sinasang-ayunan mo ang mga bagay na higit na mabuti. 19 Nakakatiyak kang ikaw ay tagaakay ng mga bulag at liwanag ng mga nasa kadiliman. 20 Ikaw ay tagapagturo ng mga hangal, isang guro ng mga sanggol. Nasa iyo ang anyo ng kaalaman at sa katotohanan ng kautusan. 21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw ang isang tao, nagnanakaw ka ba? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya ang isang tao, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyos-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23 Ikaw na nagmamalaki patungkol sa kautusan, sa pagsuway mo sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos? 24 Ito ay sapagkat tulad ng nasusulat:
Dahil sa iyo, nagkaroon nga ng pamumusong sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga Gentil.
25 Kapag tinupad mo ang kautusan, may halaga ang iyong pagiging nasa pagtutuli. Ngunit kapag nilabag mo ang kautusan, ang iyong pagiging nasa pagtutuli ay naging hindi nasa pagtutuli. 26 Hindi ba kapag ang hindi gumagawa ng pagtutuli ay tumupad ng hinihingi ng kautusan, ang kaniyang hindi pagiging nasa pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli? 27 Hindi ba ang likas na hindi nasa pagtutuli at tumutupad sa kautusan, siya ang hahatol sa iyo, ikaw na sumusuway sa kautusan, kahit na mayroon kang nakasulat na kautusan at ang iyong pagiging nasa pagtutuli?
28 Ito ay sapagkat siya, na sa panlabas na anyo ay Judio, ay hindi tunay na Judio, maging ang pagtutuli sa panlabas na laman ay hindi tunay na pagtutuli? 29 Ang tunay na Judio ay ang Judio sa kalooban at ang tunay na nasa pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi ayon sa titik ng kautusan. Ang papuri sa kaniya ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International