Roma 14
Ang Salita ng Diyos
Ang Mahina at ang Malakas
14 Tanggapin ninyo siya na mahina sa pananampalataya, ngunit hindi upang pagtalunan ang iba’t ibang kuro-kuro.
2 Ang isang tao ay naniniwalang maaari niyang kainin ang lahat ng bagay. Ang isa na mahina ay kumakain lamang ng gulay. 3 Siya na kumakain ay huwag maliitin ang isang hindi kumakain. Siya na hindi kumakain ay huwag humatol sa kaniya na kumakain sapagkat ang Diyos angtumanggap sa kaniya. 4 Sino ka upang hatulan mo ang katulong ng iba? Ang katulong na iyon ay tatayo o babagsak na subok sa harapan ng kaniyang sariling panginoon sapagkat magagawa ng Diyos na siya ay patayuin at siya ay makakatayo.
5 Isang tao ang kumikilalang ang isang araw ay higit na mahalaga kaysa sa ibang araw. Ang ibang tao naman ay kumikilalang ang bawat araw ay magkakatulad. Ang bawat isa ay magkaroon ng tiyak na kaisipan sa kaniyang sarili patungkol sa bagay na ito. 6 Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga noon sa Panginoon. Ang hindi nagpapahalaga sa isang araw ay hindi nagpapahalaga noon sa Panginoon. Siya na kumakain ay kumakain para sa Panginoon sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Siya na hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat siya sa Diyos. 7 Ito ay sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili lamang at walang sinumang tao na namamatay para sa kaniyang sarili lamang. 8 Ito ay sapagkat kung tayo ay nabubuhay, nabubuhay tayo sa Panginoon. Kung tayo ay mamamatay, mamamatay tayo sa Panginoon. Kaya nga, kung tayo ay nabubuhay o kung tayo ay mamamatay, tayo ay sa Panginoon.
9 Sa dahilang ito si Cristo ay namatay at bumangon at nabuhay muli upang siya ay maghari kapwa sa mga patay at sa mga buhay. 10 Ngunit bakit mo nga hinahatulan ang iyong kapatid? Bakit mo minamaliit ang iyong kapatid? Ito ay sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng upuan ng paghatol ni Cristo. 11 Ito ay sapagkat nasusulat:
Sinasabi ng Panginoon: Kung papaanong ako ay nabubuhay, ang bawat tuhod ay luluhod sa harap ko, ang bawat dila ay maghahayag sa Diyos.
12 Kaya nga, ang bawat isa sa atin ay magbibigay sulit sa Diyos patungkol sa ating sarili.
13 Kaya nga, huwag na tayong humatol sa isa’t isa. Subalit sa halip, ito ang dapat na pagpasiyahan nating gawin: Huwag tayong maglagay ng batong katitisuran o anumang bagay na magiging sanhi ng pagbagsak ng isang kapatid. 14 Alam ko at nakakatiyak ako sa Panginoong Jesus na walang bagay na likas na marumi. Kung kinikilala ng isang tao na ang isang bagay ay marumi, para sa kaniya iyon nga ay marumi. 15 Ngunit kung ang iyong kinakain ay nakakapagbigay ng kapighatian sa iyong kapatid, hindi ka na namumuhay sa pag-ibig. Huwag mong sirain sa pamamagitan ng iyong kinakain ang iyong kapatid na dahil sa kaniya ay namatay si Cristo. 16 Kaya nga, huwag mong hayaan na ang mabubuti mong gawa ay masamain. 17 Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa pagkain o sa pag-inom. Subalit ito ay sa katuwiran sa kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18 Ito ay sapagkat siya na naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay nagbibigay-lugod sa Diyos at katanggap-tanggap sa mga tao.
19 Kaya nga, sikapin nating abutin ang mga bagay ng kapayapaan at mga bagay na makakapagpatibay sa isa’t isa. 20 Huwag mong sirain ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain. Tunay na ang lahat ng bagay ay malinis. Subalit, para sa ibang tao, masama na siya ay kumakain kung ito ay magiging katitisuran. 21 Higit na mabuti ang hindi kumain ng laman, o uminom ng alak, o gumawa ng anumang bagay na makakatisod, o makakapagdulot ng pagdaramdam o makakapagpahina sa iyong kapatid.
22 Ang pananampalatayang nasa iyo ay iyong panatilihin sa iyo, sa harap ng Diyos. Pinagpala ang taong walang kahatulan sa sarili dahil sa mga kinikilala niyang katanggap-tanggap. 23 Ang nag-aalinlangan kapag kumain ayhinatulan na dahil hindi siya kumakain na may pananampalataya. Ang lahat ng bagay na hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
Copyright © 1998 by Bibles International