Roma 13
Ang Salita ng Diyos
Pagpapasakop sa mga Namamahala
13 Ang bawat isa ay dapat magpasakop sa nakakataas na kapamahalaan sapagkat walang kapamahalaan maliban doon sa nagmula ng Diyos. Ang mga kapamahalaang iyon ay itinakda ng Diyos.
2 Kaya nga, ang sinumang sumasalungat sa kapamahalaan ay tumatanggi sa batas na mula sa Diyos. Angmga tumatanggi ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. 3 Ito ay sapagkat ang mga namumuno ay hindi nagbibigay takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Hindi mo ba ninanais na matakot sa pamahalaan? Gumawa ka ng mabuti at ang kapamahalaan ang pupuri sa iyo. 4 Ito ay sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos para sa iyong kabutihan. Ngunit kung ang ginagawa mo ay masama, matakot ka dahil hindi siya nagdadala ng tabak ng walang kahihinatnan sapagkat siya ang tagapaglingkod ng Diyos, na isang tagapaghiganti upang magdala ng poot sa gumagawa ng masasama. 5 Kaya nga, magpasakop ka hindi lang dahil sa galit kundi dahil sa budhi.
6 Ito ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis sapagkat ang mga kapamahalaan ay mga natatanging tagapaglingkod ng Diyos na nakatalaga sa gawaing ito. 7 Ibigay sa bawat isa ang anumang dapat niyang tanggapin. Kung ang dapat ibigay ay buwis para sa nakakasakop, magbigay ng buwis na iyon. Kung buwis sa sarilingpamahalaan, ibigay ang buwis na ito. Kung ang dapat mong ibigay ay takot, dapat kang magdalang takot. Kung ito ay karangalan, magbigay ka ng karangalan.
Ibigin Mo ang Iyong Kapwa Sapagkat ang Panahon ay Malapit na
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, sa halip ay mag-ibigan sa isa’t isa sapagkat siya na umiibig sa iba ay nakaganap ng kautusan.
9 Ito ang mga utos: Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-bigay ng maling patotoo, huwag kang mag-iimbot. At kung may iba pang utos, ito ay nakapaloob sa salitang ito:
Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili.
10 Ang pag-ibig sa kapwa ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya nga, ang pag-ibig ay katuparan ng kautusan.
11 Yamang alam natin ang panahon, ngayon na ang takdang oras na dapat na tayong gumising mula sa pagkakatulog sapagkat ang ating kaligtasan ay higit nang malapit kaysa noong tayo ay sumampalataya. 12 Papalipas na ang gabi at ang bukang-liwayway ay malapit na. Kaya nga, hubarin na natin ang mga gawa ng kadiliman at isuot na natin ang baluti ng liwanag. 13 Mamuhay tayong marangal tulad ng pamumuhay ng tao kapag araw. Hindi tayo dapat mamuhay sa magulong pagtitipon at paglalasing, hindi sa kalaswaan at sa kahalayan, hindi sa paglalaban-laban at sa inggitan. 14 Sa halip, isuot natin ang Panginoong Jesucristo at huwag magbigay ng pagkakataong gawin ang pagnanasa ng laman.
Copyright © 1998 by Bibles International