Roma 12
Ang Salita ng Diyos
Mga Haing Buhay
12 Kaya nga, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos, ako ay namamanhik sa inyo. Iharap ninyo ang inyong mga katawan sa Diyos bilang isang haing buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang inyong katampatang paglilingkod.
2 Huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa kapanahunang ito. Sa halip ay mabago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isipan. Ito ay upang masuri ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat: Huwag kayong mag-isip ng higit pa sa dapat ninyong isipin patungkol sa inyong sarili. Subalit mag-isip kayo sa wastong pag-iisip ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa. 4 Ito ay sapagkat sa isang katawan ay mayroon tayong maraming bahagi. Ngunit ang mga bahaging ito ay may iba’t ibang gamit. 5 Gayundin tayo, na bagamat marami, ay iisang katawan kay Cristo. Ang bawat isa ay bahagi ng ibang bahagi. 6 Ngunit mayroon tayong iba’t ibang kaloob ayon sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa atin. Kung ito man ay paghahayag ng salita ng Diyos, siya ay maghayag ayon sa sukat ng bahagi ng pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ay paglilingkod, paglingkurin siya. Kung ito ay sa pagtuturo, pagturuin siya. 8 Kung ito ay sa pagpapayo, pagpayuhin siya. Kung ito ay sa pagbibigay, magbigay siya ng may katapatan. Kung ito ay sapangunguna, papangunahin siyang may kasigasigan. Kung ito ay pagkamahabagin, mahabag siyang may kasiyahan.
Pag-ibig
9 Ang pag-ibig ay dapat walang pakunwari. Kapootan ninyo ang masama. Manangan kayo sa mabuti.
10 Maging magiliwin kayo sa isa’t isa tulad ng pag-ibig ninyo sa magkakapatid. Igalang ninyo ang isa’t isa nang higit pa inyong sarili. 11 Huwag maging tamad sa halip ay maging masigasig. Maging maningas kayo sa Espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak sa pag-asa. Sa inyong paghihirap, maging matiisin. Sa inyong pananalangin, magpatuloy kayong matatag. 13 Magbigay sa pangangailangan ng mga banal. Ipagpatuloy ang pagtanggap sa mga bisita.
14 Pagpalain ninyo sila na umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila at huwag silang sumpain. 15 Makigalak kayo sa kanila na nagagalak at makiiyak sa kanila na umiiyak. 16 Magkaroon kayo ng iisang kaisipan. Huwag kayong mag-isip nang may kapalaluan sa inyong mga sarili. Sa halip, makisalamuha kayo sa mga taong mapagpakumbaba. Huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na matatalino.
17 Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinuman. Magkaloob nga kayo ng mga mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. 18 Kung maaari, yamang ito ay nasasainyo, mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghiganti, sa halip, bigyan ninyo ng puwang ang galit ng Diyos sapagkat nasusulat:
Ang paghihiganti ay sa akin, pagbabayarin ko sila sa kanilang ginawa.
Ito ang sinabi ng Panginoon.
20 Kaya nga:
Kapag nagutom ang inyong kaaway, pakainin mo siya. Kapag nauhaw siya, painumin mo siya sapagkat kapag ginawa mo ito, bubuntunan mo ng nagbabagang uling ang kaniyang ulo.
21 Huwag magpatalo sa masama, sa halip, talunin mo ng mabuti ang masama.
Copyright © 1998 by Bibles International