Roma 7:7-8:17
Ang Biblia (1978)
7 Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan baga'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Datapuwa't, (A)hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kundi sa pamamagitan ng kautusan: sapagka't hindi ko sana nakilala ang kasakiman, kung hindi sinasabi ng kautusan, (B)Huwag kang mananakim:
8 Datapuwa't (C)ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay gumawa sa akin sa pamamagitan ng utos ng sarisaring kasakiman: sapagka't kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
9 At nang isang panahon ako'y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa't nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay;
10 At ang utos (D)na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito'y sa ikamamatay;
11 Sapagka't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, (E)ay dinaya ako sa pamamagitan ng utos, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
12 Kaya nga (F)ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at (G)matuwid, at mabuti.
13 Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan;—na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala.
14 Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y (H)sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na (I)ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15 Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: (J)sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko.
16 Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan.
17 Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.
18 Sapagka't nalalaman ko na (K)sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala.
19 Sapagka't ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni't ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa.
20 Datapuwa't kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.
21 Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.
22 Sapagka't (L)ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios (M)ayon sa pagkataong loob:
23 Datapuwa't (N)nakikita ko ang ibang kautusan sa (O)aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.
24 Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa (P)katawan nitong kamatayan?
25 Nagpapasalamat ako sa Dios (Q)sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin. Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa't ang laman ay sa kautusan ng kasalanan.
8 Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.
2 Sapagka't ang kautusan (R)ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay pinalaya (S)ako sa (T)kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3 Sapagka't (U)ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng (V)Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin (W)at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan:
4 Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5 Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima (X)sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa (Y)mga bagay ng Espiritu.
6 Sapagka't (Z)ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7 Sapagka't (AA)ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:
8 At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.
9 Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang (AB)Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya.
10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't (AC)ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.
11 Nguni't kung ang Espiritu (AD)niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mabuhay ayon sa laman:
13 Sapagka't kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa't kung sa pamamagitan ng Espiritu ay (AE)pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo.
14 Sapagka't ang lahat (AF)ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios.
15 Sapagka't (AG)hindi ninyo muling tinanggap (AH)ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang (AI)espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, (AJ)Abba, Ama.
16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios:
17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; (AK)mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; (AL)kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978