Add parallel Print Page Options

Pagkatapos(A) ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang aklat na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko nga mula sa kamay ng anghel ang maliit na aklat at kinain ko ito. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga propesiya tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos,(B) binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabihan, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. Ngunit(C) huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Yuyurakan nila ang Banal na Lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Isusugo ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”

Ang(D) mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng daigdig. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, may lalabas na apoy sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May(E) kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.

Pagkatapos(F) nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa napakalalim na hukay at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at(G) ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang patalinghagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. 10 Magagalak ang lahat ng tao sa daigdig dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.

11 Pagkalipas(H) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos. Sila'y tumayo at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. 12 Pagkatapos(I) ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. 13 Nang(J) oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan.

14 Natapos na ang ikalawang lagim, at ang ikatlong lagim ay malapit na.