Mga Awit 10-12
Ang Biblia, 2001
Panalangin para sa Katarungan
10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
2 Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.
3 Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
4 Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
5 Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
6 Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
7 Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
9 Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.
10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”
12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”
14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
1 Juan 1-2
Ang Biblia, 2001
Ang Salita ng Buhay
1 Yaong(A) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—
2 at(B) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.
3 Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.
4 Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[a] kagalakan ay malubos.
Ang Diyos ay Liwanag
5 At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.
6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.
7 Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.
9 Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.
10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.
2 Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.
3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, “Kilala ko siya,” ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.
5 Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya.
6 Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
Ang Bagong Utos
7 Mga(C) minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8 Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na.
9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod.
11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12 Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong dinaig ang masama.
14 Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
sapagkat kayo'y malalakas,
at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.
16 Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.
19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.
20 Ngunit kayo'y pinahiran[b] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.
21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.
22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.
23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.
24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.
25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.
26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.
27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[c] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.
28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
Footnotes
- 1 Juan 1:4 Sa ibang mga kasulatan ay inyong .
- 1 Juan 2:20 o binuhusan .
- 1 Juan 2:27 o pagbubuhos .