Mga Awit 32:1-5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
Footnotes
- Mga Awit 32:1 MASKIL: Ang kahulugan ng salitang ito'y hindi tiyak. Maaaring ito'y tumutukoy sa isang uri ng awit o isang tono ng awit.
- 4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- 5 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mateo 7:1-5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. 2 Sapagkat(B) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. 3 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? 4 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? 5 Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.
Read full chapter