Mga Kawikaan 22:1-11
Ang Biblia, 2001
22 Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan,
at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban.
2 Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa;
ang Panginoon ang sa kanilang lahat ay gumawa.
3 Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
4 Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon
ay kayamanan, karangalan, at buhay.
5 Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
6 Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.
7 Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
9 Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
10 Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
ang hari ay magiging kaibigan niya.