Filipos 2:3-11
Magandang Balita Biblia
3 Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. 4 Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. 5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.
6 Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
7 Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
8 nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
9 Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Footnotes
- Filipos 2:10 ILALIM NG LUPA: Ipinapalagay nila noon na ang mga patay ay namamalagi pa sa madilim na dako sa ilalim ng lupa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
