Add parallel Print Page Options

Sa galit ng Panginoon, tinakpan niya ng makapal na ulap ang Jerusalem.[a] Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel, na parang itinapon mula sa langit papunta sa lupa. At dahil sa kanyang galit, pinabayaan niya ang kanyang templo sa Jerusalem. Walang awa rin niyang sinira ang lahat ng tahanan sa Israel. Sa galit niyaʼy giniba niya ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. Ibinagsak niya at inilagay sa kahihiyan ang kaharian pati na ang mga pinuno nito. Sa tindi ng kanyang poot, inalis niya ang lahat ng kapangyarihan ng Israel. Hindi niya ito tinulungan nang salakayin ng mga kaaway. Para siyang apoy na tumutupok sa mga lahi ng Israel at sa lahat ng bagay sa paligid nito.

Iniumang niya ang kanyang pana sa mga mamamayan niyang naging parang mga kaaway niya. Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki nitong mga mamamayan. Ibinuhos na parang apoy ang kanyang matinding galit sa mga mamamayan ng Jerusalem. Winasak ng Panginoon ang Israel na parang isang kaaway. Sinira niya ang lahat ng mga pader sa bayan at mga palasyo. Dinagdagan ang kanilang pagdadalamhati at pag-iyak. Winasak niya ang templo na parang isang halamanan lang. Binura niya sa alaala ng mga taga-Jerusalem ang itinakdang mga pista at ang Araw ng Pamamahinga. Sa kanyang matinding galit, itinakwil niya ang hari at pari. Itinakwil din ng Panginoon ang kanyang altar at templo. Ipinagiba sa kamay ng mga kaaway ang mga pader nito at nagsigawan ang mga ito sa templo ng Panginoon na parang nagdaraos ng pista.

Nagpasya ang Panginoon na ipagiba ang mga pader na nakapalibot sa lungsod ng Jerusalem. Plinanong mabuti ang paggiba at hindi pinigilan ang sarili na gawin iyon. Kaya nagiba nga ang mga pader na bumabakod doon. Bumagsak sa lupa ang mga pintuang bayan ng Jerusalem. Sinira at binali ng Panginoon ang mga saraduhan nito. Binihag ang hari at mga pinuno at dinala sa malayong mga bansa. Hindi na rin itinuturo ang kautusan at wala na ring mensahe o pangitain ang Panginoon sa kanyang mga propeta. 10 Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa, naglagay ng abo sa ulo at nagdamit ng sako para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. At ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakayuko sa lupa dahil sa hiya. 11 Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol. 12 Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina. 13 O Jerusalem,[b] ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang sugat mo. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo? 14 Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.

15 Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ” 16 Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo. Sumusutsot at pinangangalit ang mga ngipin nila at sinabi, “Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem! Ito na ang araw na ating pinakahihintay. At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”

17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang plano. Tinupad niya ang sinabi niya noon. Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem! Binigyan niya ng kagalakan ang mga kaaway mo at hinayaan silang ipagyabang ang kanilang kapangyarihan. 18 Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak. 19 Bumangon kayo sa gabi at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa kanya ang laman ng inyong mga puso, na para kayong nagbubuhos ng tubig. Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak na nawawalan ng malay sa mga lansangan dahil sa gutom.

20 Masdan nʼyo po kami Panginoon. Isipin nʼyo kung sino ang pinaparusahan nʼyo ng ganito. Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina ang mga anak nila na kanilang inaalagaan. Ang mga pari at ang mga propeta ay pinapatay sa inyong templo. 21 Nakahambalang sa mga lansangan ang mga bangkay ng mga bata at matatanda. Namamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki at babae. Sa inyong galit, walang habag nʼyo silang pinatay. 22 Niyaya nʼyo ang mga kaaway para kabi-kabilang salakayin ako, para kayong nagyayaya sa kanila sa handaan. Sa araw na iyon na ibinuhos nʼyo ang inyong galit, walang nakatakas o natirang buhay. Pinatay ng aking mga kaaway ang aking mga anak na isinilang at pinalaki.

Footnotes

  1. 2:1 Jerusalem: sa Hebreo, anak na babae ng Zion.
  2. 2:13 O Jerusalem: sa Hebreo, anak na babae ng Jerusalem … birhen na anak na babae ng Zion.