Pahayag 8
Magandang Balita Biblia
Ang Ikapitong Selyo
8 Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras. 2 Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila.
3 Dumating(A) ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 4 Mula sa kamay ng anghel ay tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 5 Pagkatapos,(B) kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso, pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At(C) humanda ang pitong anghel na may pitong trumpeta upang hipan ang mga ito.
7 Hinipan(D) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, 9 namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.
10 Hinipan(E) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang(F) bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito.
12 Hinipan(G) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag.
13 Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!”
Apocalipsis 8
Ang Biblia (1978)
8 At nang buksan niya (A)ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong (B)pakakak.
3 At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na (C)isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa (D)mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw (E)ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.
4 At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.
5 At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at (F)pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga (G)tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.
6 At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip.
7 At humihip ang una, (H)at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at (I)itinapon sa lupa: at (J)ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.
8 At humihip ang ikalawang anghel, (K)at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: (L)at ang ikatlong bahagi ng dagat (M)ay naging dugo;
9 At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.
10 At humihip ang ikatlong anghel, (N)at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, (O)at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig;
11 At ang pangalan ng bituin ay (P)Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.
12 At humihip ang ikaapat na anghel, at (Q)nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.
13 At nakita ko, at narinig ko ang isang agila, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, (R)Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
