Pahayag 12-14
Magandang Balita Biblia
Ang Babae at ang Dragon
12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. 2 Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.
3 Isa(A) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. 4 Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. 5 Ang(C) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.
7 Pagkaraan(D) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. 8 Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. 9 Itinapon(E) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.
10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”
13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit(G) ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. 17 Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. 18 At ang dragon ay tumayo[a] sa dalampasigan.
Ang Unang Halimaw
13 Pagkatapos(H) ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[b] lumalapastangan sa Diyos. 2 Ang(I) halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. 3 Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. 4 Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?”
5 Pinahintulutang(J) magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. 6 Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. 7 Pinahintulutan(K) din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. 8 Sasamba(L) sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay.
9 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang(M) sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.”
Ang Ikalawang Halimaw
11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumilitaw mula sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit nagsalita ito na parang dragon. 12 Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nagkaroon ng sugat na nakamamatay ngunit gumaling na. 13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw; nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. 14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay. 15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. 17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon. 18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay animnaraan at animnapu't anim (666).
Ang Awit ng mga Tinubos
14 Tumingin(N) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. 2 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. 4 Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5 Hindi(O) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”
8 Sumunod(P) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(Q) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(R) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”
12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.
13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”
Ang Pag-aani
14 Tumingin(S) uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15 Isa(T) pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa.
17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa(U) sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim.
Footnotes
- Pahayag 12:18 At ang dragon ay tumayo: Sa ibang kasulatan ay At ako'y tumayo.
- Pahayag 13:1 mga pangalang: Sa ibang manuskrito'y isang pangalang .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.