Add parallel Print Page Options

Ang sulat na ito ay tungkol sa mga bagay na inihayag ni Jesu-Cristo na mangyayari sa lalong madaling panahon. Ibinigay ito ng Dios kay Cristo upang maihayag naman sa mga naglilingkod sa Dios. Kaya inihayag ito ni Cristo sa lingkod niyang si Juan sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ako si Juan, at pinapatotohanan ko ang lahat ng nakita ko tungkol sa inihayag ng Dios at sa katotohanang itinuro ni Jesu-Cristo. Mapalad ang bumabasa at ang mga nakikinig sa sulat na ito kung tinutupad nila ang nakasulat dito. Sapagkat ang mga sinasabi rito ay malapit nang mangyari.

Pagbati sa Pitong Iglesya

4-5 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa probinsya ng Asia.

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang galing sa Dios, sa Espiritu, at kay Jesu-Cristo. Kung tungkol sa Dios, siyaʼy hindi nagbabago ngayon, noon, at sa hinaharap. Kung tungkol sa pitong Espiritu,[a] siyaʼy nasa harapan ng trono ng Dios. At kung tungkol kay Jesu-Cristo, siya ang mapagkakatiwalaang saksi. Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay.[b] At siya rin ang namumuno sa lahat ng hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo[c] iniligtas niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong mga hari[d] at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.

Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”[e]

Nagpakita si Cristo kay Juan

Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus. 10 Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran. 11 At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”

12 Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy. 15 Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.

17 Nang makita ko siya, napahandusay ako na parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya agad ang kanang kamay niya sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan. 18 Akoʼy buhay magpakailanman. Namatay ako, pero masdan mo, buhay ako, at hindi na muling mamamatay. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang lugar ng mga patay.[f] 19 Kaya isulat mo ang mga bagay na ipinapakita ko sa iyo – ang mga bagay na nangyayari ngayon at ang mangyayari pa lang. 20 Ito ang ibig sabihin ng pitong bituin na nakita mo sa kanang kamay ko at ang pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang pitong anghel na nagbabantay sa pitong iglesya, at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.”

Footnotes

  1. 1:4-5 pitong Espiritu: Ang ibig sabihin, ang kabuuan ng Espiritu. Sapagkat ang bilang na “pito” ay nangangahulugang buo, kumpleto o ganap. Sa ibang salin, pitong espiritu.
  2. 1:4-5 Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay na hindi na mamamatay pang muli.
  3. 1:4-5 kanyang dugo: Ang ibig sabihin ay ang kamatayan niya sa krus bilang handog.
  4. 1:6 mga hari: o, isang kaharian.
  5. 1:8 Ako ang Alpha at ang Omega: Ang ibig sabihin ni Jesus, siya ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang alpha ang unang letra sa alpabetong Griego at ang omega ang huling letra.
  6. 1:18 lugar ng mga patay: sa Griego, Hades.

Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan;

Na sumaksi sa salita ng Dios, at sa patotoo ni Jesucristo, sa lahat ng mga bagay na nakita niya.

Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon: sapagka't ang panaho'y malapit na.

Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at nang nakaraan at darating; at mula sa pitong Espiritu na nasa harapan ng kaniyang luklukan;

At mula kay Jesucristo na siyang saksing tapat, na panganay sa mga patay, at pangulo ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo;

At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa kaniyang Dios at Ama; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan kailan man. Siya nawa.

Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa't mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya. Gayon din, Siya nawa.

Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat.

Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kay Jesus, ay nasasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Dios at sa patotoo ni Jesus.

10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.

11 Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea.

12 At ako'y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako'y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto:

13 At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto.

14 At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;

15 At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig.

16 At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.

17 At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli,

18 At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

19 Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating;

20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.