Pahayag 9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
9 Nang patunugin ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, nakita ko ang isang bituin mula sa langit na nahulog sa lupa. At ibinigay sa kanya ang susi sa pintuan ng kailaliman.[a] 2 At nang buksan niya ito, lumabas ang makapal na usok na parang galing sa malaking hurno. Kaya dumilim ang mundo dahil natakpan ng usok ang araw. 3 At mula sa usok, naglabasan ang mga balang at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang manakit tulad ng alakdan. 4 Ngunit pinagbawalan silang maminsala ng mga damo o anumang halaman at puno, kundi ng mga tao lang na walang tatak ng Dios sa kanilang noo. 5 Pinagbawalan din silang patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lang sa loob ng limang buwan. Ang hapdi ng kagat nila ay katulad ng kagat ng alakdan. 6 Kaya sa loob ng limang buwan, mas gugustuhin pa ng mga tao na mamatay, ngunit hindi ito mangyayari kahit gustuhin man nila.
7 Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao. 8 Mahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon. 9 Ang dibdib nila ay natatakpan ng parang pananggalang na bakal at ang tunog ng pakpak nila ay parang ingay ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayo na sumusugod sa labanan. 10 Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan. 11 May haring namumuno sa kanila – ang anghel na nagbukas ng pintuan sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon[b] naman sa wikang Griego.
12 Tapos na ang unang nakakatakot na pangyayari ngunit may dalawa pang darating.
13 Nang patunugin ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, narinig ko ang isang tinig mula sa mga sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Dios. 14 Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200,000,000. 17 At nakita ko sa pangitain ko ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga nakasakay ay may mga pananggalang na pula na tulad ng apoy, asul na tulad ng sapiro at dilaw na tulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre. 18 At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao. 19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao.
20 Ngunit ang mga tao na natitirang buhay ay ayaw pa ring tumalikod sa mga dios-diosang ginawa nila. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa masasamang espiritu at mga rebultong yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga rebultong ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad. 21 Hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpatay, pangkukulam, sekswal na imoralidad at pagnanakaw.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®