Pahayag 22
Ang Salita ng Diyos
Ang Ilog na Nagbibigay Buhay
22 Ipinakita niya sa akin ang isang ilog na may dalisay na tubig na nagbibigay buhay. Ito ay nagniningning katulad ng kristal. Ito ay lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.
2 Sa kalagitnaan ng lansangan at sa magkabilang panig ng ilog, naroroon ang punong-kahoy na nagbibigay buhay. Ito ay nagbubunga ng labindalawang bunga. Bawat buwan ay magbibigay ng kaniyang bunga. Ang dahon ng punong-kahoy ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. 3 Doon ay hindi na magkakaroon ng sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay makikita sa lungsod. Ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha. Ang kaniyang pangalan ay nasa mga noo nila. 5 Hindi na magkakaroon ng gabi roon. Hindi na nila kailangan ang isang ilawan o ang liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Sila ay maghahari magpakailan pa man.
6 Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoong Diyos ng mga propetang banal ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita ang mga bagay na dapat nang mangyari kaagad.
Si Jesus ay Darating
7 Narito, malapit na akong dumating. Pinagpala ang tumutupad sa mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito.
8 At akong si Juan na nakakita at nakarinig ng mga bagay na ito ay nagpatirapa sa paanan ng anghel, na siyang nagpakita sa akin ng mga bagay na ito, upang sambahin siya. 9 Sinabi niya sa akin: Huwag mong gawin ito sapagkat ako ay iyong kapwa alipin at gayundin ang iyong mga kapatid na lalaki na mga propeta at sa mga tumutupad ng mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.
10 At sinabi niya sa akin: Huwag mong selyohan ang mga pahayag sa aklat na ito sapagkat nalalapit na ang panahon. 11 Ang hindi matuwid ay magpapatuloy sa pagiging hindi matuwid. Ang masama ay magpapatuloy sa pagiging masama. Ang matuwid ay magpapatuloy sa pagiging matuwid. Ang banal ay magpapatuloy sa pagpapakabanal.
12 Narito, malapit na Akong dumating. Ang aking gantimpala ay nasa akin upang igawad sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa. 13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.
14 Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod. 15 Ngunit sa labas ng mga ito ay mananatili ang mga aso, ang mga gumagawa ng panggagaway, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga mapagsamba sa diyos-diyosan at bawat gumugusto sa kasinungalingan at ang mga sinungaling.
16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang siya ay magpatotoo sa mga bagay na ito sa inyong mga nasa iglesiya. Ako ang ugat at ang anak ni David, ang maningning na tala sa umaga.
17 Ang Espiritu at dalagang ikakasal ay nagsabi: Halika. At ang nakarinig ay dapat magsabi: Halika. Ang nauuhaw ay dapat lumapit. Ang naghahangad ay dapat uminom ng walang bayad sa tubig na nagbibigay buhay.
18 Ang dahilan nito ay nagpapatotoo rin ako sa lahat ng nakakarinig ng mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito. Sinabi ko: Kapag dinagdagan ng sinuman ang mga bagay na ito, idadagdag ng Diyos sa kaniya ang mga salot na aking isinulat sa aklat na ito. 19 Kung binawasan ng sinuman ang mga salita sa aklat ng pahayag na ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa aklat ng buhay. Aalisin din ang kaniyang bahagi sa banal na lungsod at mula sa mga bagay na isinulat sa aklat na ito.
20 Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsabi: Oo, ako ay malapit nang dumating.
Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.
21 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay mapasainyo nawang lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International