Pahayag 15
Ang Salita ng Diyos
Pitong Anghel na may Pitong Salot
15 At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila.
2 At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at totoo.
4 Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat ipinakita mo ang iyong tuntunin.
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. 6 Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. 7 Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. 8 At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.
Copyright © 1998 by Bibles International