Pahayag 14
Ang Salita ng Diyos
Ang Kordero at ang Isangdaan at Apatnapu’t Apat na Libong Tao
14 At nakita ko, narito, ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion. Siya ay may kasamang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na nakatayo. May nakasulat na pangalan ng kaniyang ama sa kanilang mga noo.
2 Ako ay nakarinig ng isang tunog na mula sa langit na katulad ng tunog ng maraming tubig. Ito ay katulad ng isang napakalakas na kulog. Narinig ko ang tunog ng maraming manunugtog ng kudyapi na tumutugtog ng kanilang kudyapi. 3 Sila ay umawit ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harapan ng apat na buhay na nilalang at ng mga matanda. Walang sinumang matututo ng awit na iyon. Ang matututo lamang nito ay ang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na tinubos ni Jesus sa lupa. 4 Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang mga sarili sa mga babae. Sila ay mga birhen. Sila yaong mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Sila yaong mga tinubos ng Kordero bilang mga unang bunga para sa Diyos at para sa Kordero. 5 Walang pandaraya sa kanilang mga bibig sapagkat wala silang anumang dungis sa harapan ng trono ng Diyos.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan.
7 Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig.
8 May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.
9 Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. 10 Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumailanlang magpakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan. 12 Narito ang pagtitiis ng mga banal na tumutupad sa mga utos ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.
13 At ako ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala ang mga mamamatay sa Panginoon mula ngayon.
Sinabi ng Espiritu: Oo, sila ay dapat na mamahinga mula sa kanilang mga pagpapagal. Susundan sila ng kanilang mga gawa.
Ang Ani sa Lupa
14 At nakita ko at narito, ang isang puting ulap at sa ibabaw ng ulap ay may isang nakaupo na katulad ng Anak ng Tao. Siya ay may gintong putong sa kaniyang ulo. Sa kaniyang kamay ay may hawak na isang matalas na karit.
15 At may isa pang anghel na lumabas mula sa banal na dako. Siya ay sumigaw sa isang malakas na tinig sa nakaupo sa ulap na nagsasabi: Gamitin mo ang iyong karit at ipanggapas mo na. Ang dahilan ay dumating na ang oras upang ikaw ay gumapas. Ang aanihin sa lupa ay handa na. 16 At inilagay ng nakaupo sa ibabaw ng ulap ang kaniyang karit sa lupa at ginapas ang anihin sa lupa.
17 At isa pang anghel ang lumabas mula sa banal na dako na nasa langit. Siya rin ay may taglay na isang matalas na karit. 18 At may isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana. Siya ay may kapamahalaan sa apoy. Tinawag niya sa isang malakas na tinig ang may taglay ng matalas na karit. Sinabi niya: Gamitin mo na ang matalas mong karit. Tipunin mo ang mga buwig ng ubas sa lupa sapagkat hinog na ang mga ubas sa lupa. 19 Inilabas ng anghel ang karit at tinipon ang ubas sa lupa. Inihagis niya ang mga ubas ng lupa sa pisaang-ubas ng poot ng dakilang Diyos. 20 Niyurakan nila ang mga ubas sa pisaang-ubas na nasa labas ng lungsod. Lumabas ang dugo mula sa pisaang-ubas. Ito ay kasinglayo ng bokado ng mga kabayo sa layong tatlong daang kilometro.
Copyright © 1998 by Bibles International