Hosea 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 At sinabi ng Panginoon sa akin, Yumaon ka pa, suminta ka sa isang babae na minamahal ng kaniyang kaibigan, at mangangalunya, sa makatuwid baga'y ng gaya ng pagibig ng Panginoon sa mga anak ni Israel, bagaman sila'y nagsisipihit sa ibang mga dios, at nangakakagusto ng mga binilong pasas.
2 Sa gayo'y binili ko siya para sa akin ng labing limang putol na pilak, at ng isang homer na cebada, at ng kalahating homer na cebada;
3 At sinabi ko sa kaniya, Ikaw ay mapapa sa akin na maraming araw; ikaw ay hindi magpapatutot, at ikaw ay hindi na magiging asawa pa ng ibang lalake; kaya't ako naman ay sasa iyo.
4 Sapagka't ang mga anak ni Israel ay magsisitahang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, at walang hain, at walang haligi, at walang efod o mga teraf:
5 Pagkatapos ay manunumbalik ang mga anak ni Israel, at hahanapin ang Panginoon nilang Dios, at si David na kanilang hari, at magsisiparitong may takot sa Panginoon at sa kaniyang kabutihan sa mga huling araw.
Hosea 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Si Hoseas at ang Kanyang Asawa
3 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”
2 Kaya binili ko siya[a] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[b] 3 At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” 4 Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[c] sa panghuhula, at mga dios-diosan. 5 Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®