Obadias 8-15
Magandang Balita Biblia
8 Sinabi ni Yahweh:
“Darating ang araw na paparusahan ko ang Edom,
lilipulin ko ang kanyang mga matatalinong tao,
at ang kaalaman nila'y aking papawiin.
9 Mga mandirigma ng Teman ay pawang nasisindak,
at ang mga kawal ng Edom ay malilipol na lahat.
Bakit Pinarusahan ang Edom
10 “Dahil sa ginawa mong karahasan sa angkan ng kapatid mong si Jacob,
sa kahihiya'y malalagay ka,
at mahihiwalay sa akin magpakailanman.
11 Pinanood mo lamang sila,
nang araw na pasukin ng mga kaaway.
Kasinsama ka ng mga dayuhan
na nananamsam at naghahati-hati
sa kayamanan ng Jerusalem na kanilang tinangay.
12 Hindi mo dapat ikinatuwa ang[a] kapahamakang sinapit
ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda.
Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian.
13 Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan,
ni pinagtawanan ang kanilang kasawian.
At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan
sa panahon ng kanilang kapahamakan.
14 Hindi(A) ka dapat nag-abang sa mga sangang-daan
upang ang mga pugante doon ay hadlangan.
Hindi mo na dapat sila ibinigay sa kalaban
sa araw na iyon ng kanilang kapahamakan.
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
15 “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh.
“Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din;
ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin.
Footnotes
- Obadias 1:12 Hindi mo dapat ikinatuwa ang: Sa Hebreo ay Ngunit huwag kang matutuwa sa .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.