Add parallel Print Page Options

Binasa ni Ezra ang Kautusan

Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.

Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.

Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.

Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.

Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.

Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, 10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”

11 Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila.

Ipinagdiwang ang Pista ng mga Tolda

13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. 14 Natuklasan(A) nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. 15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” 16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. 17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. 18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.

At ang buong bayan ay nagpipisan na parang isang lalake sa luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig; at sila'y nangagsalita kay Ezra na kalihim, na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises, na iniutos ng Panginoon sa Israel.

At dinala ni Ezra na saserdote ang aklat ng kautusan sa harap ng kapisanan, na mga lalake at mga babae, at lahat na makadidinig na may kaalaman nang unang araw ng ikapitong buwan.

At binasa niya roon sa harap ng luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig, mula sa madaling araw hanggang sa katanghaliang tapat sa harapan ng mga lalake at mga babae, at ng makakaalam: at ang mga pakinig ng buong bayan ay nakikinig sa aklat ng kautusan.

At si Ezra na kalihim ay tumayo sa pulpitong kahoy, na kanilang ginawa sa panukalang ito; at sa tabi niya ay nakatayo si Mathithias, at si Sema, at si Anaias, at si Urias, at si Hilcias, at si Maasias, sa kaniyang kanan; at sa kaniyang kaliwa, si Pedaias, at si Misael, at si Malchias, at si Hasum, at si Hasbedana, si Zacharias, at si Mesullam.

At binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagka't siya'y nasa mataas sa buong bayan;) at nang kaniyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:

At si Ezra ay pumuri sa Panginoon, na dakilang Dios. At ang buong bayan ay sumagot: Siya nawa, Siya nawa, na may pagtataas ng kanilang mga kamay: at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo, at nagsisamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.

Si Jesua naman, at si Bani, at si Serebias, at si Jamin, si Accub, si Sabethai, si Odias, si Maasias, si Celita, si Azarias, si Jozabed, si Hanan, si Pelaia, at ang mga Levita, ay nangagpakilala sa bayan ng kautusan; at ang bayan ay nakatayo sa kanilang dako.

At sila'y nagsibasa sa aklat, sa kautusan ng Dios, na maliwanag; at kanilang ibinigay ang kahulugan, na anopa't kanilang nabatid ang binasa.

At si Nehemias na siyang tagapamahala, at si Ezra na saserdote na kalihim, at ang mga Levita na nangagturo sa bayan, ay nangagsabi sa buong bayan: Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Dios; huwag kayong magsitaghoy, ni magsiiyak man. Sapagka't ang buong bayan ay umiyak, nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.

10 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi sa kanila, Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis; at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagka't ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong mangamanglaw; sapagka't ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan.

11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, Kayo'y magsitahimik, sapagka't ang kaarawan ay banal; ni huwag man kayong mamanglaw.

12 At ang buong bayan ay yumaon ng kanilang lakad na nagsikain at nagsiinom at nangagpadala ng mga bahagi, at nangagsayang mainam sapagka't kanilang nabatid ang mga salita na ipinahayag sa kanila.

13 At nang ikalawang araw ay nagpipisan ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng buong bayan, ang mga saserdote, at ang mga Levita, kay Ezra na kalihim, upang makinig sa mga salita ng kautusan.

14 At kanilang nasumpungang nakasulat sa kautusan, kung paanong iniutos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises, na ang mga anak ni Israel ay magsitahan sa mga balag sa kapistahan ng ikapitong buwan:

15 At kanilang ihahayag at itatanyag sa lahat ng kanilang mga bayan, at sa Jerusalem, na sasabihin: Magsilabas kayo sa bundok, at magsikuha kayo ng mga sanga ng olibo, at ng mga sanga ng olibong gubat, at ng mga sanga ng mirto, at mga sanga ng palma, at mga sanga ng mga mayabong na punong kahoy, upang magsigawa ng mga balag, gaya ng nakasulat.

16 Sa gayo'y lumabas ang bayan, at nangagdala sila, at nagsigawa ng mga balag, bawa't isa'y sa bubungan ng kaniyang bahay, at sa kanilang mga looban, at sa mga looban ng bahay ng Dios, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng tubig, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng Ephraim.

17 At ang buong kapisanan nila na bumalik na mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga balag, at tumahan sa mga balag: sapagka't mula ng mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na yaon ay hindi nagsigawa ang mga anak ni Israel ng gayon. At nagkaroon ng totoong malaking kasayahan.

18 Gayon din naman araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, kaniyang binasa ang aklat ng kautusan ng Dios. At kanilang ipinagdiwang ang kapistahan na pitong araw; at sa ikawalong araw ay takdang kapulungan, ayon sa ayos.