Mikas 5
Ang Biblia (1978)
Ang paghahari ng tagapagligtas na magmumula sa Beth-lehem.
5 Ngayon ay mapipisan ka sa mga hukbo, Oh anak na babae ng mga hukbo: siya'y nangubkob laban sa atin; kanilang hahampasin sa pisngi ang hukom ng Israel (A)ng isang tungkod.
2 Nguni't ikaw, (B)Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang (C)pinagbuhatan niya ay mula nang una, (D)mula nang walang hanggan.
3 Kaya't kaniyang ibibigay sila hanggang sa panahon na siya na nagdaramdam ay manganak: kung magkagayon (E)ang nalabi sa kaniyang mga kapatid ay babalik sa mga anak ni Israel.
4 At siya'y titindig, at magpapakain ng kaniyang kawan sa kalakasan ng Panginoon, sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Dios: at sila'y mananatili; sapagka't (F)ngayon siya'y magiging dakila hanggang sa mga wakas ng lupa.
5 At (G) ang lalaking ito ay magiging kapayapaan natin. Pagka ang taga Asiria ay papasok sa ating lupain, at pagka siya'y tutungtong sa ating mga palacio, tayo nga'y mangagtitindig laban sa kaniya ng pitong pastor, at walong pinakapangulong tao.
6 At kanilang wawasakin ng tabak ang lupain ng Asiria, at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyaon: at kaniyang ililigtas tayo sa taga Asiria, pagka siya'y pumasok sa ating lupain, at pagka siya'y tumungtong sa loob ng ating hangganan.
7 At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, (H)parang ulan sa damo, na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
8 At ang nalabi sa Jacob ay magiging sa gitna ng mga bansa, sa gitna ng maraming bayan, na parang leon sa mga hayop sa gubat, na parang batang leon sa mga kawan ng mga tupa; na kung siyay dumaraan ay yumayapak at lumalapa, at walang magligtas.
9 Mataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway, at mangahiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway.
10 At mangyayari (I)sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, (J)na aking ihihiwalay ang iyong mga kabayo sa gitna mo, at aking gigibain ang iyong mga karo:
11 At aking ihihiwalay ang mga bayan ng iyong lupain, at aking ibabagsak ang lahat ng iyong katibayan:
12 At aking ihihiwalay ang mga (K)panghuhula sa iyong kamay; at hindi ka na magkakaroon ng mga (L)manghuhula:
13 At aking ihihiwalay ang iyong mga inanyuang larawan at ang iyong mga haligi mula sa gitna mo; at hindi ka na sasamba sa gawa ng iyong mga kamay;
14 At aking bubunutin ang iyong mga (M)Asera mula sa gitna mo; at aking sisirain ang iyong mga bayan.
15 At ako'y maguukol ng panghihiganti sa galit at kapusukan sa mga bansa na hindi nangakinig.
Micas 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
5 Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[a] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[b] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[c] ang kanyang kadakilaan. 5 Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[d] ang kanyang mga mamamayan.
Kalayaan at Kapahamakan
Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno. 6 Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila[e] tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.
7 Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao. 8 Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya. 9 Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.
Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita
10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”
Footnotes
- 5:2 pinakamaliit: o, pinakaaba.
- 5:3 babaeng namimilipit sa sakit: Maaaring ang tinutukoy ay ang Jerusalem (tingnan sa 4:9-10). Sa panahong pinamumunuan ng mga kalaban ang mga Israelita, ipinanganak ang kanilang pinuno na magliligtas sa kanila.
- 5:4 buong mundo: sa literal, pinakadulo ng mundo.
- 5:5 mabuting kalagayan: Ang salitang Hebreo nito ay “shalom” na ang ibig sabihin ay kapayapaan, kaunlaran, mabuting relasyon, kagalakan at tagumpay.
- 5:6 nila: sa Hebreo, niya. Maaaring ang pinunong sinasabi sa 5:2-5.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®