Mikas 5
Magandang Balita Biblia
5 Mga taga-Jerusalem, tipunin ninyo ang inyong mga hukbo sapagkat kinukubkob na tayo ng mga kaaway. Sinasalakay na nila ang pinuno ng Israel!
Ang Paghahari ng Tagapagpalaya
2 Sinabi(A) ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” 3 Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan. 4 Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon. 5 At sa kanya magmumula ang kapayapaan.
Ang Pagliligtas at ang Pagpaparusa
Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila. 6 Sa(B) pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria.
7 Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao. 8 At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa. 9 Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway.
10 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “aalisan ko kayo ng mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lunsod at ibabagsak ang matitibay ninyong tanggulan. 12 Wawasakin ko ang inyong mga agimat at mawawala na rin ang mga manghuhula. 13 Wawasakin ko ang inyong mga diyus-diyosan at mga haliging itinuturing ninyong sagrado, at hindi na kayo sasamba sa ginawa ng inyong mga kamay. 14 Dudurugin ko rin ang inyong mga diyus-diyosang Ashera at iguguho ang inyong mga lunsod. 15 Ibabagsak ko sa inyo ang aking poot, at isasagawa ang aking paghihiganti sa mga bansang hindi sumunod sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.