Add parallel Print Page Options

Sinaway ni Micas ang mga Pinuno at mga Propeta

Sinabi ni Micas:[a] Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda![b] Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan? 2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain. Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.

Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”

Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.

Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[c] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.

Footnotes

  1. 3:1 ni Micas: sa Hebreo, ako.
  2. 3:1 Israel at Juda: sa Hebreo, Jacob at Israel.
  3. 3:10 Zion: Makikita rin sa Hebreo ang salitang Jerusalem na ibang pangalan ng Zion.

Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel

At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
    at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
    Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
    at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
na kumakain ng laman ng aking bayan,
    at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
    at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
    gaya ng laman sa isang kawa.

Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
    ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
    sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.

Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
    na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
    kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
    na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
    at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
    at ang araw ay magdidilim sa kanila;
ang mga tagakita[a] ay mahihiya,
    at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
    sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
    ng Espiritu ng Panginoon,
    at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
    at sa Israel ang kanyang kasalanan.

Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob,
    at mga pinuno sa sambahayan ni Israel,
na napopoot sa katarungan,
    at binabaluktot ang lahat ng katuwiran,
10 na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo,
    at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian.
11 Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol,
    at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod,
    at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi:
gayunma'y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi,
    “Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin?
    Walang kasamaang darating sa atin.”
12 Kaya't(A) dahil sa inyo,
    ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid,
at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira,
    at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.

Footnotes

  1. Mikas 3:7 o nakakakita ng pangitain .