Mga Kawikaan 25-28
Magandang Balita Biblia
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
3 Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
4 Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. 5 Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
6 Huwag(A) kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. 7 Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
8 Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
13 Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.
14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.
19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.
20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
21 Kapag(B) nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.
24 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.
26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
26 Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
2 Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
3 Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.
4 Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6 Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7 Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8 Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9 Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
10 Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.
11 Ang(C) taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.
12 Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
13 Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”
14 Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.
16 Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
17 Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
22 Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
23 Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
24 Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam. 25 Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam. 26 Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat.
27 Ang(D) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
28 Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba.
27 Huwag(E) ipagyayabang ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap.
2 Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin.
3 Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang kaguluhang dulot ng kamangmangan.
4 Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang pagseselos ay may ibayong lupit.
5 Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala.
6 May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.
7 Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis kahit ang ampalaya.
8 Ang taong lumayas sa kanyang tahanan, tulad ng ibong sa pugad ay lumisan.
9 Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang kaibigan ng iyong magulang. Kung ikaw ay nagigipit, huwag sa kapatid lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong kapatid.
11 Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa nangungutya man.
12 Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
13 Kunin mo ang kasuotan ng sinumang nananagot para sa iba, at siya ang pagdusahin mo dahil sa pag-ako sa di niya kilala.
14 Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang binibitiwan.
15 Nakakayamot ang asawang masalita tulad ng ulan na ayaw tumila. 16 Mahirap siyang patigilin, para kang dumadakot ng langis o pumipigil sa hangin.
17 Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.
18 Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang panginoon.
19 Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang iniisip.
20 Ang nasa ng tao'y walang katapusan, tulad ng libingan, laging naghihintay.
21 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit ugali ng tao ay makikilala sa gawa araw-araw.
22 Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang kamangmangan.
23 Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. 24 Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan. 25 Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang susunod na anihan. 26 Sa mga tupa kinukuha ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay maaaring ipambili ng bukid. 27 Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay.
Ang Matuwid at ang Masama
28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol,
ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
2 Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala,
ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa.
3 Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
4 Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
5 Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
6 Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
7 Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
8 Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan
ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan.
9 Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.
10 Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama
ay mabubulid sa sariling pakana,
ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan.
11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
12 Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,
ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan.
13 Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti,
ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
14 Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos,
ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak.
15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
at nakakatakot na parang osong mabangis.
16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.
17 Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,
at ang taong ito'y di dapat tulungan.
18 Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
ngunit naghihirap ang taong tamad.
20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
21 Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,
ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan.
22 Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman
ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
23 Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan
kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.
24 Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan,
ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw.
25 Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan.
26 Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,
ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
27 Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang,
ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
28 Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,
ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.