Add parallel Print Page Options

20 Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao,
    kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito.
Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
    ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang buhay.
Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan,
    ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway.
Ang taong tamad sa panahon ng taniman
    ay walang magagapas pagdating ng anihan.
Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao,
    ngunit ito'y matatarok ng isang matalino.
Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat,
    ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak.
Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran,
    mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan.
Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,
    walang matatagong anumang kasamaan.
Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis
    at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit?
10 Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan,
    kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
11 Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa;
    makikita sa kanyang kilos kung siya ay tapat nga.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita,
    parehong si Yahweh ang siyang maylikha.
13 Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap,
    ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
14 Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.”
    Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat.
15 Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi,
    daig pa ang may ginto at alahas na marami.
16 Ang sinumang nananagot sa utang ng iba,
    dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya.
17 Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain,
    ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin.
18 Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay;
    kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
19 Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis,
    kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila.
20 Sinumang magmura sa kanyang magulang,
    parang ilaw na walang ningas ang wakas ng kanyang buhay.
21 Ang perang hindi pinaghirapan,
    kung gastusin ay walang hinayang.
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
    tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
    siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
24 Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin;
    kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin.
25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti,
    upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
    at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
    kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
28 Ang haring tapat at makatarungan
    ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
    ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
    at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.

21 Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari
    at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto,
    ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog
    ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang,
    ito ang siyang gabay ng mga makasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,
    ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
    ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,
    pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.
Ang landas ng may sala ay paliku-liko,
    ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
Masarap(A) pa ang tumira sa bubungan ng bahay
    kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
    kahit na kanino'y walang pakundangan.
11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
    pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
    at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
    daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
    regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
    ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
    ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
    bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18 Ang masamang balak sa taong matuwid
    ay babalik sa liko ang pag-iisip.
19 Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang
    kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway.
20 Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan,
    ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang.
21 Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan
    ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
22 Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay,
    at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
23 Ang pumipigil sa kanyang dila
    ay umiiwas sa masama.
24 Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api.
25 Gutom ang papatay sa taong batugan,
    pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay.
26 Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw,
    ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
27 Ang(B) handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
    lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
28 Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan,
    ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan.
29 Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap,
    di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
30 Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan
    ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
31 Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan,
    ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.