Add parallel Print Page Options

Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali

16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
    ngunit mula sa Panginoon ang sagot ng dila.
Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata,
    ngunit tinitimbang ng Panginoon ang diwa.
Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa,
    at magiging matatag ang iyong mga panukala.
Ginawa ng Panginoon ang bawat bagay ukol sa layunin nito,
    pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo.
Bawat palalo sa puso, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
    iyong asahan, hindi siya maaaring hindi parusahan.
Sa pamamagitan ng katapatan at katotohanan ay napagbabayaran ang kalikuan,
    at sa pamamagitan ng takot sa Panginoon, ay umiiwas ang tao sa kasamaan.
Kapag ang mga lakad ng tao sa Panginoon ay kasiya-siya,
    kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya.
Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran,
    kaysa malalaking kita na walang katarungan.
Ang puso ng tao ang nagpapanukala ng kanyang daan,
    ngunit ang Panginoon ang nangangasiwa ng kanyang mga hakbang.
10 Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari;
    ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali.
11 Sa Panginoon nauukol ang sukatan at timbangang tama;
    lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa.
12 Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan,
    sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran,
    at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran.
14 Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan,
    ngunit papayapain ito ng taong may karunungan.
15 Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay,
    at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan.
16 Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan,
    mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan.
17 Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan,
    siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang pagmamataas ay nauuna sa kapahamakan,
    at ang palalong diwa ay nauuna sa pagkabuwal.
19 Mas mabuti ang maging mapagpakumbabang-loob na kasama ng mahihirap,
    kaysa makihati ng samsam na kasama ng mapagmataas.
20 Siyang nakikinig sa salita ay uunlad,
    at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
    at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
    ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23 Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
    at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.
24 Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
    katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.
25 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
26 Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya,
    siya'y inuudyukan ng bibig niya.
27 Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama,
    parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita.
28 Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan,
    at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan.
29 Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa,
    at kanyang inaakay siya sa daang masama.
30 Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay,
    siyang kumakagat-labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan.
31 Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian,
    iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran.
32 Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan,
    at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan.
33 Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan,
    ngunit mula sa Panginoon ang buong kapasiyahan.