Add parallel Print Page Options

Si Debora at si Barak

Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.

Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.

Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. 10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw[a] ni Moises.

12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. 13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.

14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. 15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.

17 Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Keneo. 18 Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot[b] para itago. 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay itinago siyang muli. 20 Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”

21 Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, nakatulog siya. Nang makita ni Jael na nakatulog si Sisera, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido ni Sisera, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.

22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo. 23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Dios ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo. 24 Patuloy nilang nilabanan si Jabin hanggang sa mapatay nila ito.

Ang Awit ni Debora at ni Barak

Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:

Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
Makinig kayong mga hari at mga pinuno!
Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,
at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,
ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon.
Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.
Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.
Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.
Purihin ang Panginoon!
10 Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,
at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11 Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.
Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay[c] ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.
Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12 “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.
Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13 Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14 Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.
Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.
15 Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar kina Debora at Barak papunta sa lambak.
Pero ang lahi naman ni Reuben ay walang pagkakaisa, kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.
16 O lahi ni Reuben, magpapaiwan na lang ba kayo kasama ng mga tupa?
Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa?
Wala talaga kayong pagkakaisa, kaya hindi kayo makapagpasya kung ano ang dapat ninyong gawin.
17 Nagpaiwan din ang lahi ni Gad sa silangan ng Jordan,
at ang lahi ni Dan naman ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.
Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.
18 Pero itinaya ng lahi nina Zebulun at Naftali ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.
19 Dumating ang mga haring Cananeo at nakipaglaban sa mga Israelita sa Taanac na nasa tabi ng Ilog ng Megido,
pero kahit isang pilak ay wala silang nasamsam.
20 Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera, kundi pati rin ang mga bituin.
21 Inanod sila sa Lambak ng Kishon, ang napakatagal nang lambak.
Magpapatuloy ako sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.
22 At ngayon, maririnig ang yabag ng mga paa ng mga kabayo.
23 Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Sumpain ang Meroz!
Sumpain kayong mga naninirahan dito dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon sa mga makapangyarihang tao.”
24 Higit na mapalad si Jael na asawa ni Heber na Keneo kaysa sa lahat ng babae na nakatira sa mga tolda.
25 Nang humingi ng tubig si Sisera, gatas ang kanyang ibinigay na nakalagay sa mamahaling sisidlan.
26 Pagkatapos, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at ipinukpok sa sentido ni Sisera.
27 At namatay si Sisera na nakahandusay sa paanan ni Jael.
28 Nakamasid sa bintana ang ina ni Sisera, na hindi mapakali at nagtatanong kung bakit hindi pa dumadating ang kanyang anak.
29 Sumagot ang mga pinakamatalino sa kanyang mga kababaihan, at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,
30 “Baka natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga bagay na nasamsam nila sa kanilang mga kalaban:
isa o dalawang babae para sa bawat sundalo, mamahaling damit para kay Sisera,
at binurdahang damit na napakaganda para sa akin.”
31 Kaya malipol sana ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon.
Pero ang mga nagmamahal sana sa inyo ay matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.

At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon.

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Midianita sa loob ng pitong taon. Napakalupit ng mga Midianita, kaya napilitan ang mga Israelita na magtago sa mga bundok, mga kweba at sa iba pang tagong lugar. Tuwing magtatanim ang mga Israelita, nilulusob sila ng mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan. Nagkampo sila sa lugar ng mga Israelita at sinira ang mga pananim nito hanggang sa Gaza. Kinuha nila ang lahat ng tupa, baka at asno; wala talaga silang itinira para sa mga Israelita. Sumalakay sila na dala ang kanilang tolda at mga hayop na parang kasindami ng mga balang. Hindi sila mabilang pati ang kanilang mga kamelyo. Winasak nila ang lugar ng mga Israelita. Naging kahabag-habag ang kalagayan ng mga Israelita, dahil sa mga Midianita, kaya humingi sila ng tulong sa Panginoon.

Nang tumawag sila sa Panginoon, pinadalhan sila ng Panginoon ng isang propeta na nagsabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Dios:[d] ‘Inilabas ko kayo sa Egipto na kung saan inalipin kayo. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain. 10 Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Dios at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga dios ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Pero hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

11 Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joash na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joash ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”

13 Sumagot si Gideon, “Kung[e] sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”

16 Sumagot ang Panginoon, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”

17 Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”

Sumagot ang Panginoon, “Hihintayin kita.”

19 Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.

20 Sinabi sa kanya ng anghel ng Dios, “Ipatong mo ang karne at tinapay sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon. 21 Pagkatapos, inabot ng anghel ng Panginoon ang pagkain, sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay. At nawala na ang anghel ng Panginoon.

22 Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong Dios, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.” 23 Pero sinabihan siya ng Panginoon, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.

25 Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawa sa pinakamagandang toro ng iyong ama, iyong pitong taong gulang na. Pagkatapos, gibain mo ang altar para kay Baal na ipinatayo ng iyong ama at gibain mo rin ang posteng simbolo ng diosang si Ashera na nasa tabi ng altar nito. 26 Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Dios sa ibabaw ng bundok na ito. Pagkatapos, ialay mo sa akin ang baka bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong poste ni Ashera.” 27 Kaya isinama ni Gideon ang sampu niyang utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Pero ginawa niya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan.

28 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na giba na ang altar para kay Baal, at putol-putol na ang poste ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa baka na inihandog sa bagong altar. 29 Tinanong nila ang isaʼt isa kung sino ang gumawa noon. Inusisa nila ito at nalamang si Gideon na anak ni Joash ang gumawa nito. 30 Kayaʼt sinabihan nila si Joash, “Palabasin mo rito ang anak mo! Dapat siyang patayin! Dahil giniba niya ang altar para kay Baal at pinagputol-putol ang poste ni Ashera sa tabi nito.”

31 Sumagot si Joash sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang nagtatanggol sa kanya ang dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong dios, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.” 32 Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.

33 Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel. 34 Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta para tawagin ang mga angkan ni Abiezer para sumunod sa kanya. 35 Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manase, Asher, Zebulun at Naftali para tawagin sila na sumama sa pakikipaglaban. At sumama sila kay Gideon.

36 Sinabi ni Gideon sa Dios, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako para iligtas ang Israel. 37 Ngayon, maglalagay po ako ng balahibo ng tupa sa lupang ginigiikan namin ng trigo. Kung mabasa po ito ng hamog kahit tuyo ang lupa, malalaman ko po na ako nga ang gagamitin nʼyo para iligtas ang Israel ayon sa sinabi ninyo.” 38 At ganoon nga ang nangyari. Nang sumunod na araw, maagang gumising si Gideon at kinuha ang balahibo ng tupa at piniga, at napuno ng tubig ang isang mangkok. 39 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Dios, “Huwag po kayong magalit sa akin; may isa na lang po akong kahilingan sa inyo. Nais ko po ng isa pang pagsubok para sa balahibo ng tupa. Gusto ko po sanang mabasa ng hamog ang lupa pero manatiling tuyo ang balahibo ng tupa.” 40 Kinagabihan, ginawa nga ito ng Dios. Tuyo ang balahibo ng tupa pero basa naman ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Footnotes

  1. 4:11 bayaw: o, biyenan.
  2. 4:18 tinakluban siya ni Jael ng kumot: o, tinago siya ni Jael sa likod ng kurtina.
  3. 5:11 mga pagtatagumpay: o, mga matuwid na ginawa.
  4. 6:8 inyong Dios: sa Hebreo, Dios ng Israel.
  5. 6:13 Sa Hebreo ang sagot ni Gideon ay nagsisimula sa salitang “adonai”, na maaaring isalin na “Ginoo” o “Panginoon”. Ganoon din sa talatang 15.