Add parallel Print Page Options

Nabihag ng Lahi ni Juda at ng Lahi ni Simeon si Adoni Bezek

Pagkamatay ni Josue, nagtanong ang mga Israelita sa Panginoon kung sino sa mga lahi nila ang unang makikipaglaban sa mga Cananeo. Sumagot ang Panginoon, “Ang lahi ni Juda, dahil ipinagkatiwala ko sa kanila ang lupaing iyon.” Kaya sinabi ng lahi ni Juda sa lahi ni Simeon na kanilang kadugo, “Tulungan nʼyo kaming sakupin ang lugar ng mga Cananeo na para sa amin at tutulungan din namin kayo na sakupin ang lugar na para sa inyo.” Kaya tinulungan sila ng lahi ni Simeon sa labanan. 4-5 Nang lumusob ang angkan ni Juda, pinagtagumpay sila ng Panginoon laban sa mga Cananeo at Perezeo. May 10,000 tao ang napatay nila sa Bezek. Habang nakikipaglaban sila sa Bezek, nakalaban nila roon si Adoni Bezek na hari sa lugar na iyon. Tumakas si Adoni Bezek, pero hinabol siya ng mga Israelita at nahuli. Pinutol nila ang mga hinlalaki nito sa kamay at paa. Sinabi ni Adoni Bezek, “Noon, may 70 hari ang pinutulan ko ng hinlalaki sa kamay at paa at namulot sila ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayon, sinisingil na ako ng Dios sa ginawa ko sa kanila.” At dinala nila si Adoni Bezek sa Jerusalem, at doon siya namatay.

Nilusob ng mga lahi ni Juda ang Jerusalem at sinakop nila ito. Pinatay nila ang mga naninirahan doon at sinunog ang lungsod. Pagkatapos, kinalaban nila ang mga Cananeo na nakatira sa mga kabundukan, sa Negev at sa mga kaburulan sa kanluran.[a] 10 Nilusob din nila ang mga Cananeo na nakatira sa Hebron (na noon ay tinatawag na Kiriat Arba), at pinatay nila sina Sheshai, Ahiman at Talmai.

Sinakop ni Otniel ang Lungsod ng Debir(A)

11 Mula sa Hebron, nilusob din nila ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 12 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 14 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 15 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal, dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Ang mga Pananakop ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin

16 Pag-alis ng lahi ni Juda sa lungsod ng Jerico,[b] sumama sa kanila ang mga Keneo, na mula sa angkan ng biyenan ni Moises, papunta sa ilang ng Juda. Tumira sila kasama ng mga tao roon, malapit sa bayan ng Arad sa Negev.

17 Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Zefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto[c] ang lungsod, kaya tinawag itong Horma.[d] 18 Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.

19 Tinulungan ng Panginoon ang mga lahi ng Juda. Sinakop nila ang mga kabundukan, pero hindi nila madaig ang mga tao na nakatira sa mga kapatagan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal. 20 At tulad ng ipinangako ni Moises, ibinigay kay Caleb ang Hebron. Itinaboy ni Caleb ang tatlong pamilya na nakatira sa lugar na ito, na mula sa angkan ni Anak. 21 Hindi itinaboy ng lahi ni Benjamin ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon, naninirahan pa rin ang mga ito kasama ng mga lahi ni Benjamin.

Sinakop ng Dalawang Lahi ni Jose ang Betel

22-23 Ngayon, nilusob ng mga lahi ni Jose ang lungsod ng Betel (na noon ay tinatawag na Luz), at tinulungan sila ng Panginoon. Nang nagpadala sila ng mga tao para mag-espiya sa Betel, 24 may nakita ang mga espiya na isang tao na papalabas mula sa lungsod na iyon. Sinabi nila sa kanya, “Tulungan mo kami kung paano makapasok sa lungsod at hindi ka namin gagalawin.” 25 Tinuruan niya sila, at pinatay nila ang lahat ng nakatira sa lungsod na iyon. Pero hindi nila pinatay ang tao na nagturo sa kanila pati ang buong sambahayan nito. 26 Ang taong itoʼy pumunta sa lupain ng mga Heteo, at doon nagtayo ng isang lungsod na tinawag niyang Luz. Ito pa rin ang pangalan nito hanggang ngayon.

Ang mga Tao na Hindi Itinaboy ng mga Israelita sa Kanilang mga Lupain

27 Hindi itinaboy[e] ng lahi ni Manase ang mga nakatira sa Bet Shan, Taanac, Dor, Ibleam, Megido, at ang mga bayan sa paligid ng mga ito dahil determinado ang mga Cananeo na huwag umalis sa lupaing iyon. 28 Nang naging makapangyarihan na ang mga Israelita, pinilit nila ang mga Cananeo na magtrabaho para sa kanila, pero hindi nila itinaboy ang mga ito.

29 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Efraim ang mga nakatira sa Gezer. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila.

30 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Zebulun ang mga Cananeo na naninirahan sa mga lungsod ng Kitron at Nahalol. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

31 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Asher ang mga nakatira sa Aco, Sidon, Aczib, Helba, Afek at Rehob. 32 Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo roon kasama ng lahi ni Asher.

33 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Naftali ang mga nakatira sa Bet Shemesh at Bet Anat. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama ng lahi ni Naftali. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

34 Hindi naman pinahintulutan ng mga Amoreo na tumira sa kapatagan ang mga lahi ni Dan, kaya nanatili na lamang sila sa kabundukan. 35 Determinado ang mga Amoreo na huwag umalis sa Bundok ng Heres, Ayalon at Saalbim. Pero nang lumakas ang kapangyarihan ng mga angkan ni Jose, pinilit nila ang mga Amoreo na magtrabaho para sa kanila. 36 Ang hangganan ng lupain ng mga Amoreo ay mula sa Daang Paakyat ng Akrabim at paakyat pa mula sa Sela.

Ang Anghel ng Panginoon sa Bokim

Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Bokim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita, ito ang ipinapasabi ng Panginoon: “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo. Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito kundi gibain nʼyo ang mga altar nila. Pero ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging parang tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga dios nila ay magiging parang bitag sa inyo.”

Nang marinig ito ng mga Israelita, humagulgol sila. Kaya tinawag nilang Bokim[f] ang lugar na iyon. At doon sila naghandog sa Panginoon.

Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis sila upang angkinin ang lupain na nakalaan para sa kanila. At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel. Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110. Inilibing siya sa kanyang lupain doon sa Timnat Heres, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Huminto ang mga Israelita sa Paglilingkod sa Panginoon

10 Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. 11 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. 12 Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang dios ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon, 13 dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod kay Baal at kay Ashtoret. 14 Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan para samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway nila sa paligid at hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili. 15 Kapag nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16 Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga pinuno[g] na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan. 17 Pero hindi nila pinansin ang kanilang mga pinuno. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga dios. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Dios na sinunod noon ng mga ninuno nila. 18 Ang lahat na pinunong ibinigay ng Panginoon sa kanila ay tinulungan niya. At habang buhay ang pinuno nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila. 19 Pero kapag namatay na ang pinuno, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga dios mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20 Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon, “Dahil nilabag ng bansang ito ang kasunduan ko sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod, 21 hindi ko itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni bago siya namatay. 22 Gagamitin ko ang mga bansang ito para subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ito ni Josue.

Ang mga Natirang Tao sa Canaan

Nagtira ang Panginoon ng ibang mga tao sa Canaan para subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan. Ginawa ito ng Panginoon para maturuan niyang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito. Ito ang mga taong itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga Sidoneo, at ang mga Hiveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal Hermon hanggang sa Lebo Hamat. Itinira sila para subukin kung tutuparin ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoon na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Nagsipag-asawa ang mga Israelita ng mga anak ng mga taong ito at ibinigay nila ang kanilang mga anak na babae para maging asawa rin ng mga ito, at sumamba rin sila sa mga dios-diosan ng mga ito.

Si Otniel

Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera. Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim.[h] Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.

Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 11 Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.

Si Ehud

12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[i] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.

15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.

23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.

26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.

Si Shamgar

31 Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang pinuno. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng 600 Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy sa baka.

Footnotes

  1. 1:9 kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.
  2. 1:16 lungsod ng Jerico: sa Hebreo, lungsod ng mga palma.
  3. 1:17 Winasak … husto: Ang kahulugan nito sa Hebreo ay ang mga bagay na ibinigay sa Panginoon bilang handog o winasak ang mga ito.
  4. 1:17 Horma: Ang ibig sabihin, pagkawasak.
  5. 1:27 Hindi itinaboy: o, Hindi maitaboy.
  6. 2:5 Bokim: Ang ibig sabihin, mga umiiyak.
  7. 2:16 pinuno: Sa ibang mga salin, hukom. Pero hindi sila mga hukom (judges) lang, kundi sila ay mga pinakapinuno sa buong Israel dahil wala pang mga hari noon.
  8. 3:8 Aram Naharaim: Isang lugar sa Mesopotamia.
  9. 3:13 lungsod ng Jerico: sa Hebreo, lungsod ng mga palma.