Add parallel Print Page Options

44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.

48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”

51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[a] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 7:52 Matuwid na Lingkod: Ang ibig sabihin, si Jesus.