Add parallel Print Page Options

25 Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea.

At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo; at siya'y kanilang pinamanhikan,

Na humihingi ng lingap laban sa kaniya, na siya'y ipahatid sa Jerusalem; na binabakayan upang siya'y mapatay sa daan.

Gayon ma'y sumagot si Festo, na si Pablo ay tinatanuran sa Cesarea, at siya'y paroroon sa lalong madaling panahon.

Kaya nga, sinabi niya, ang mga may kapangyarihan sa inyo ay magsisamang lumusong sa akin, at kung may anomang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal siya nila.

At nang siya'y makatira na sa kanila na hihigit sa walo o sangpung araw, ay lumusong siya sa Cesarea: at nang kinabukasa'y lumuklok siya sa hukuman, at ipinaharap sa kaniya si Pablo.

At nang siya'y dumating, ay niligid siya ng mga Judio na nagsilusong na galing sa Jerusalem, na may dalang marami at mabibigat na sakdal laban sa kaniya, na pawang hindi nila mapatunayan;

Samantalang sinasabi ni Pablo sa kaniyang pagsasanggalang, Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar, ay hindi ako nagkakasala ng anoman.

Datapuwa't si Festo, sa pagkaibig na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo, at nagsabi, Ibig mo bagang umahon sa Jerusalem, at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?

10 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar, na doon ako dapat hatulan: wala akong ginawang anomang kasamaan sa mga Judio, gaya rin naman ng pagkatalastas mong mabuti.

11 Kung ako nga'y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na marapat sa kamatayan, ay hindi ako tumatangging mamatay; datapuwa't kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal ng mga ito laban sa akin, ay hindi ako maibibigay ninoman sa kanila. Maghahabol ako kay Cesar.

12 Nang magkagayon si Festo, nang makapagpanayam na sa Sanedrin, ay sumagot, Naghabol ka kay Cesar; kay Cesar ka paparoon.

13 Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo.

14 At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix:

15 Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya.

16 Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya.

17 Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao.

18 Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha;

19 Kundi may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay.

20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito.

21 Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.

22 At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo.

23 Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.

24 At sinabi ni Festo, Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nangariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kaniya'y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang hindi marapat na siya'y mabuhay pa.

25 Datapuwa't aking nasumpungang siya'y walang anomang ginawang marapat sa kamatayan: at sapagka't siya rin ay naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya'y ipadala.

26 Tungkol sa kaniya'y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.

27 Sapagka't inaakala kong di katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kaniya.

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw, pagkarating ni Festo sa lalawigan, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea,

at doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nag-ulat sa kanya laban kay Pablo. Sila'y nanawagan sa kanya,

at nakiusap bilang tulong sa kanila laban kay Pablo, na siya ay ilipat sa Jerusalem. Sila'y nagbabalak ng pananambang upang siya'y patayin sa daan.

Sumagot si Festo na si Pablo ay binabantayan sa Cesarea, at siya mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon.

“Kaya nga,” sinabi niya, “ang mga lalaking may awtoridad sa inyo ay sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, magharap sila ng sakdal laban sa kanya.”

Pagkatapos na siya'y makatigil sa kanila nang hindi hihigit sa walo o sampung araw, ay pumunta siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa hukuman, at iniutos na dalhin si Pablo.

Nang siya'y dumating, ang mga Judio na dumating mula sa Jerusalem ay tumayo sa paligid niya na may dalang marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya na hindi nila mapatunayan.

Sinasabi ni Pablo sa kanyang pagtatanggol, “Hindi ako nagkasala ng anuman laban sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar.”

Ngunit si Festo, sa pagnanais na gawan ng ikalulugod ang mga Judio, ay nagsabi kay Pablo, “Ibig mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ka litisin sa mga bagay na ito sa harapan ko?”

10 Ngunit sinabi ni Pablo, “Dudulog ako sa hukuman ni Cesar; doon ako dapat litisin. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, tulad ng alam na alam mo.

11 Kung ako ay isang salarin, at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tatakas sa kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal nila laban sa akin, walang sinumang makapagbibigay sa akin sa kanila. Dudulog ako kay Cesar.”

12 At si Festo, pagkatapos sumangguni sa Sanhedrin, ay sumagot, “Nais mong dumulog kay Cesar; kay Cesar ka pupunta.”

Iniharap si Pablo kina Agripa at Bernice

13 Nang makaraan ang ilang araw, si Haring Agripa at si Bernice ay dumating sa Cesarea upang batiin si Festo.

14 Sa kanilang pagtigil doon ng maraming araw, isinalaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, “May isang lalaking bilanggo na iniwan ni Felix;

15 at noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng matatanda sa mga Judio ang tungkol sa kanya na hinihinging humatol ako laban sa kanya.

16 Sinabi ko sa kanila na hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao, hanggang hindi nakakaharap ng isinasakdal ang mga nagsasakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kanyang pagtatanggol tungkol sa paratang laban sa kanya.

17 Kaya't nang sila'y magkatipon dito, hindi ako nagpaliban kundi nang sumunod na araw ay umupo ako sa hukuman at iniutos kong iharap ang tao.

18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang sakdal na masamang bagay na maiharap laban sa kanya na gaya ng aking iniisip.

19 Sa halip, may ilan silang di-pagkakasundo laban sa kanya tungkol sa kanilang sariling relihiyon, at sa isang Jesus, na namatay na, ngunit pinaninindigan ni Pablo na buháy.

20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa pagsisiyasat ng mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumunta sa Jerusalem at doon siya litisin tungkol sa mga bagay na ito.

21 Ngunit nang maghabol si Pablo na siya'y bantayan para sa pasiya ng emperador, ay ipinag-utos kong bantayan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.”

22 At sinabi ni Agripa kay Festo, “Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao.” “Bukas,” sinabi niya, “siya'y mapapakinggan mo.”

23 Kaya't kinabukasan, dumating si Agripa at si Bernice na may buong karilagan. Nang pumasok na sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga pangunahin sa bayan, ipinasok si Pablo sa utos ni Festo.

24 At sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at mga nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito. Siya ay ipinagsasakdal sa akin ng buong bayan ng mga Judio, sa Jerusalem at dito, na isinisigaw na hindi siya dapat mabuhay pa.

25 Ngunit aking natagpuang wala siyang ginawang anuman na marapat sa kamatayan; at yamang siya mismo ay dumudulog sa emperador, ipinasiya kong siya'y ipadala.

26 Ngunit wala akong tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalung-lalo na sa harapan mo, Haring Agripa, upang pagkatapos nating siyasatin siya, ay magkaroon ako ng maisusulat.

27 Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi mailahad ang sakdal laban sa kanya.”

Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo

25 Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.

Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.

Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.

At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.

Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?

10 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11 Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.

12 Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.

Sumangguni si Festo kay Haring Agripa

13 Pagkaraan ng ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay lumusong sa Cesarea. Bumati sila kay Festo.

14 Nang makapanatili na sila roon ng maraming araw, isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo. Sinabi niya: May isang lalaking bilanggo na iniwan si Felix. 15 Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nagbigay-alam sa akin patungkol sa kaniya. Hinihiling nilang humatol ako ng laban sa kaniya.

16 Sumagot ako sa kanila: Hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao sa kapahamakan hanggang sa hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsasakdal. Siya ay bibigyan ng pagkakataong makapagtanggol sa kaniyang sarili patungkol sa paratang. 17 Nang sila nga ay nagkatipon dito, hindi ako nagpaliban. Kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman at iniutos kong dalhin ang lalaki. 18 Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya ay walang anumang paratang na maiharap laban sa kaniya gaya ng aking inaakala. 19 Ngunit may ilang mga katanungan laban sa kaniya. Ito ay patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay. Pinagtibay ni Pablo na siya ay buhay. 20 Nagugu­luhan ako patungkol sa mga ganitong uri ng katanungan. Kaya tinanong ko siya kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito. 21 Ngunit si Pablo ay umapela na ingatan siya upang pakinggan ng Emperador Augusto. Kaya ipinag-utos ko na ingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.

22 At sinabi ni Agrippa kay Festo: Ibig kong ako mismo ang makarinig sa lalaking iyon.

At sinabi niya: Bukas, mapapakinggan mo siya.

Si Pablo sa Harap ni Haring Agripa

23 Kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice taglay ang malaking pagdiriwang. Sila ay pumasok sa bulwagang, kasama ang mga pinunong-kapitan. Kasama rin ang mga taong kilala sa lungsod. At iniutos ni Festo na ipasok si Pablo.

24 Sinabi ni Festo: Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin. Nakikita ninyo ang lalaking ito na isinakdal sa akin maging sa Jerusalem at maging dito man ng buong karamihan ng mga Judio. Isinisigaw nilang hindi na karapat-dapat na siya ay mabuhay pa. 25 Ngunit nasumpungan kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Sa dahilang siya rin ay umapela kay Augusto, ipinasiya kong siya ay ipadala. 26 Wala akong tiyak na bagay na maisusulat patungkol sa kaniya sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa. Sa ganoon, kapag natapos na ang pagsiyasat, magkakaroon ako ng bagay na maisusulat. 27 Ito ay sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo na hindi sinasabi ang paratang laban sa kaniya.