Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Ang Ikalawang Sensus

26 Pagkatapos ng salot, sinabi ng Panginoon kina Moises at Eleazar na anak ng paring si Aaron, “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang pamilya – lahat ng may edad na 20 taon pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo ng Israel.” Kaya nakipag-usap sina Moises at Eleazar na pari sa mga Israelita roon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. Sinabi niya sa kanila, “Isensus ninyo ang mga taong may edad na 20 taon pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.”

Ito ang mga Israelitang lumabas sa Egipto:

Ang mga lahi ni Reuben na panganay na anak ni Jacob,[a] ay ang mga pamilya nina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Reuben; 43,730 silang lahat.

Ang anak ni Palu ay si Eliab, at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Itong sina Datan at Abiram ay ang mga pinuno ng kapulungan na sumama kay Kora sa pagrerebelde sa Panginoon sa pamamagitan ng paglaban kina Moises at Aaron. 10 Pero nilamon sila ng lupa kasama ni Kora, at nasunog ng apoy ang kanyang 250 tagasunod. At naging babala sa mga Israelita ang pangyayaring ito. 11 Pero hindi namatay ang mga anak ni Kora.

12 Ang mga lahi ni Simeon ay ang mga pamilya nina Nemuel, Jamin, Jakin, 13 Zera at Shaul. 14 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Simeon; 22,200 silang lahat.

15 Ang mga lahi ni Gad ay ang mga pamilya nina Zefon, Haggi, Shuni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Gad; 40,500 silang lahat.

19-20 May dalawang anak na lalaki si Juda na sina Er at Onan, na namatay sa lupain ng Canaan. Pero may mga lahi rin naman si Juda na siyang pamilya nina Shela, Perez at Zera. 21 Ang mga angkan ni Perez ay ang pamilya nina Hezron at Hamul. 22 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Juda; 76,500 silang lahat.

23 Ang mga lahi ni Isacar ay ang mga pamilya nina Tola, Pua, 24 Jashub at Shimron. 25 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Isacar; 64,300 silang lahat.

26 Ang mga lahi ni Zebulun ay ang mga pamilya ni Sered, Elon at Jaleel. 27 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Zebulun; 60,500 silang lahat.

28 Ang mga lahi ni Jose ay nanggaling sa dalawa niyang anak na sina Manase at Efraim. 29 Ang mga lahi ni Manase ay ang mga pamilya ni Makir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang mga angkan ni Gilead ay ang mga pamilya nina Iezer, Helek, 31 Asriel, Shekem, 32 Shemida at Hefer. 33 Ang anak ni Hefer na si Zelofehad ay walang anak na lalaki, pero may mga anak siyang babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. 34 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Manase; 52,700 silang lahat.

35 Ang mga lahi naman ni Efraim ay ang mga pamilya nina Shutela, Beker, Tahan. 36 Ang mga angkan ni Shutela ay ang mga pamilya ni Eran. 37 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Efraim; 32,500 silang lahat. Ito ang mga pamilyang nanggaling kina Manase at Efraim na mga lahi ni Jose.

38 Ang mga lahi ni Benjamin ay ang sambahayan nina Bela, Ashbel, Ahiram, 39 Shufam at Hufam. 40 Ang mga angkan ni Bela ay ang mga pamilya nina Ard at Naaman. 41 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Benjamin; 45,600 silang lahat.

42 Ang mga lahi ni Dan ay ang mga pamilya ni Shuham. 43 Shuhamita ang lahat ng lahi ni Dan; at 64,400 silang lahat.

44 Ang mga lahi ni Asher ay ang mga pamilya nina Imna, Ishvi at Beria. 45 Ang mga angkan ni Beria ay ang mga pamilya nina Heber at ni Malkiel. 46 (May anak na babae si Asher na si Sera.) 47 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Asher; 53,400 silang lahat.

48 Ang mga lahi ni Naftali ay ang mga pamilya nina Jazeel, Guni 49 Jezer at Shilem. 50 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Naftali; 45,400 silang lahat.

51 Kaya ang kabuuang bilang ng mga lalaking Israelitang nasensus ay 601,730.

52 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 53 “Hati-hatiin mo sa kanila ang lupa bilang mana nila ayon sa dami ng bawat lahi. 54 Ang malaking lahi, bigyan ng mas malaki at ang maliit na lahi bigyan ng maliit. 55-56 Ang lupain ay kailangang hatiin sa pamamagitan ng palabunutan para malaman kung aling bahagi ang makukuha ng malaki at maliit na angkan ayon sa sensus.”

57 Ang mga Levita ay ang mga pamilya nina Gershon, Kohat at Merari. 58 At sa kanila nanggaling ang mga pamilya nina Libni, Hebron, Mahli, Mushi at Kora.

Si Kohat ang panganay ni Amram; 59 at ang asawa ni Amram ay si Jochebed na mula naman sa pamilya ng mga Levita. Ipinanganak si Jochebed sa Egipto. Sina Amram at Jochebed ang mga magulang nina Aaron, Moises at Miriam. 60 Si Aaron ang ama nina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Pero namatay sina Nadab at Abihu nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa kanilang paghahandog sa Panginoon.

62 Ang bilang ng mga lalaking Levita na may edad na isang buwan pataas ay 23,000. Hindi sila ibinilang sa kabuuang bilang ng mga Israelita dahil wala silang tinanggap sa lupaing minana ng mga Israelita.

63 Ito ang lahat ng mga Israelitang sinensus ni Moises at ng paring si Eleazar doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 64 Wala ni isang natira sa mga kasama sa naunang sensus na ginawa nina Moises at Aaron sa ilang ng Sinai. 65 Sapagkat sinabi noon ng Panginoon sa kanila na tiyak na mamamatay sila roon sa ilang, at walang makakaligtas sa kanila maliban lang kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.

Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad

27 Si Zelofehad ay may mga anak na babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Si Zelofehad ay anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase. Si Manase ay anak ni Jose. Ngayon, nagpunta ang mga babaeng ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at tumayo sa harapan nina Moises, Eleazar, ng mga pinuno at ng buong kapulungan ng Israel. Sinabi ng mga babae, “Namatay ang aming ama roon sa ilang na walang anak na lalaki. Pero namatay siya hindi dahil sa tagasunod siya ni Kora na nagrebelde sa Panginoon, kundi dahil sa sarili niyang kasalanan. Dahil lang po ba sa walang anak na lalaki ang aming ama, mawawala na ang kanyang pangalan sa sambahayan ng Israel? Bigyan din ninyo kami ng lupa tulad ng natanggap ng aming mga kamag-anak.”

Kaya sinabi ni Moises sa Panginoon ang kanilang hinihingi. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Kailangang bigyan mo sila ng lupa kasama ng mga kamag-anak ng kanilang ama. Ibigay sa kanila ang lupa na dapat sana ay sa kanilang ama.

“At sabihin mo sa mga Israelita na kung mamatay ang isang tao na hindi nagkaanak ng lalaki, kailangang ibigay sa kanyang anak na babae ang kanyang lupa. At kung wala siyang anak na babae, ibigay sa kanyang kapatid na lalaki. 10 At kung wala siyang kapatid na lalaki, ibigay ang kanyang lupa sa kapatid na lalaki ng kanyang ama. 11 Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”

Pinili si Josue Bilang Kapalit ni Moises(A)

12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron. 14 Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.) 15 Sinabi ni Moises sa Panginoon, 16 “O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito 17 at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”

18 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo. 19 Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo. 20 Ibigay mo sa kanya ang iba mong kapangyarihan upang sundin siya ng buong mamamayan ng Israel. 21 Kay Eleazar niya malalaman ang aking pasya sa pamamagitan ng paggamit ni Eleazar ng ‘Urim’[b] sa aking presensya. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ni Eleazar si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kanilang gagawin.”

22 Kaya ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinatawag niya si Josue at pinatayo sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan. 23 At ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Josue at ipinahayag na si Josue ang papalit sa kanya.

Notas al pie

  1. 26:5 Jacob: sa Hebreo, Israel.
  2. 27:21 ‘Urim’: Bagay na ginagamit para malaman ang kalooban ng Dios.