Add parallel Print Page Options

Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon

21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.

22 Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya.

23 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan.

24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig.

25 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno.

26 Pagkatapos, ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa.

27 Nang makita ng asno ang anghel ng Panginoon, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno.

28 Ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?”

29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.”

30 At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.”

Ang Sabi ng Anghel ng Panginoon

31 Nang magkagayo'y iminulat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa.

32 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko.

33 Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.”

Read full chapter