Add parallel Print Page Options

Ang Tansong Ahas

Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay, kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”

Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila. Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.” Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.

Read full chapter

Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.

Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran.

Read full chapter