Mga Awit 84
Magandang Balita Biblia
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Footnotes
- Mga Awit 84:1 GITTITH: Hindi tiyak ang kahulugan ng salitang ito. Maaaring ito'y tumutukoy sa isang uri ng instrumento o sa isang uri ng tono.
- Mga Awit 84:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- Mga Awit 84:8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 84
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.
84 Napakaganda ng tahanan mo,
O Panginoon ng mga hukbo!
2 Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
sa buháy na Diyos.
3 Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
Hari ko, at Diyos ko.
4 Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)
5 Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
6 Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
7 Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
